AI AI AT ALDEN copy

ANG pagpasok ni Ai Ai delas Alas sa kalyeserye ng Eat Bulaga ay tiyak na simula na ang promotion ng My Bebe Love na entry ng M-Zet Productions ni Vic Sotto, OctoArts Films ni Orly Ilacad at Tony Tuviera ng APT Productions sa Metro Manila Film Festival sa December, na pinagbibidahan nila ni Vic kasama sina Alden Richards at Maine Mendoza, sa direksiyon ni Joey Reyes. 

Tamang-tama namang birthday ni Ai Ai noong November 11 nang pumasok siya sa show kaya na-welcome din siya ni Bossing Vic. Gumaganap si Ai Ai bilang si Doña Barbara Latisha Rockfeller vda. de Faulkerson o Lola Babah ni Alden na nanggaling ng Russia at umuwi ng Pilipinas para tulungan ang apo na ma-solve ang problema ng nawawalang singsing na ipinagkatiwala ni Lola Nidora (Wally Bayola). 

Nagkalaban ang dalawang mayamang lola nang mag-offer si Lola Babah na papalitan na lamang niya ng 100 pirasong singsing ang nawawala. Ang sagot ni Lola Nidora, marami siyang alahas, ang importante ay masauli ni Alden iyong pamana ng kanilang angkan para maibigay sa babaeng gusto niyang makasama habang buhay.  

Mga Pagdiriwang

Paskong Pilipino, pinakamahabang kapaskuhan sa buong mundo

Nag-dialogue tuloy si Lola Babah na bakit hindi na lamang ituloy ni Alden ang panliligaw sa gusto niyang babae na nag-aaral sa Harvard, pero ayaw naman nito dahil iisa lamang ang itinitibok ng puso niya, si Yaya Dub nga.

Medyo nagkatarayan pa ang dalawang lola hanggang makiusap si Lola Babah na bigyan pa ng panahon si Alden para mahanap ang singsing, regalo na raw lamang sa kanya ni Lola Nidora sa birthday niya. Madali namang lumambot ang puso ni Lola Nidora, tutal daw birthday naman ni Lola Babah at iyon na raw ang regalo niya.

Hindi lamang namin sure kung babalik pa si Ai Ai sa kalyeserye, o muli siyang darating bukas, dahil magsi-celebrate ng birthday si Lola Nidora at may sorpresa sina Alden, Yaya Dub at Lola Tidora (Paulo Ballesteros). Dumating na kaya si Lola Tinidora (Jose Manalo) na ilang araw nang wala sa kalyeserye? Ayon sa manager ni Jose nang tanungin namin kung bakit wala siya, nakabakasyon pala siya ngayon. 

Nakapagbakasyon na rin si Paulo, pero si Wally hindi nagbabakasyon dahil every other night ay may show pa rin siya sa Zirkoh Morato at sa Klownz sa Quezon Avenue.  

Congratulations nga pala kay Wally as Lola Nidora na sole endorser ngayon ng BPI. Napapanood na ngayon ang naturang TVC, at magandang birthday gift ito kay Wally. (NORA CALDERON)