Nagpiyansa na sa Sandiganbayan si dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Grace Padaca kaugnay ng kinakaharap na kaso sa umano’y kabiguan niyang na magsumite ng statements of assets, liabilities and networth (SALN) sa loob ng apat na taon.
Si Padaca, 52, dating gobernador ng Isabela, ay sinamahan ng kanyang abogado na si Armand Eleazar nang magtungo sa anti-graft court noong Biyernes upang maghain ng piyansang P40,000.
Matatandaang naglabas din ng mandamiento de aresto ang hukuman, bukod pa ang hold departure order (HDO) laban sa dating opisyal ng Comelec, upang hindi ito makalabas ng bansa.
Nauna nang inihayag ni Padaca, na dating pinarangalan ng Ramon Magsaysay Awards, na “politically motivated” ang kaso dahil lumabas ito sa mismong araw ng paghahain niya ng certificate of candidacy (CoC) para sa muling pagsabak niya sa pulitika sa Isabela. (Rommel P. Tabbad)