Sinimulan nang ipatupad ng Sandiganbayan First Division ang kautusan ng Korte Suprema na suspendihin nang 30 araw ang pagdinig sa kasong plunder na kinakaharap ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.

Sa isang liham na may petsang Oktubre 29 sa Korte Suprema, ipinaalam ng graft court sa kataas-taasang korte na tumupad na ito sa status quo ante order na may petsang Oktubre 20 na nagsususpinde sa plunder trial nang 30 araw.

Pinagbigyan ng Korte Suprema ang petition for certiorari ng abogado ni GMA na si Estelito Mendoza na humihiling na magtakda ng oral argument at suspendihin ang plunder trial. Hiniling din ng abogado sa Korte Suprema na isantabi at pawalang-bisa ang resolusyon ng First Division na may petsang Abril 6 at Setyembre 10 na nagbabasura sa demurrer to evidence ni Arroyo na humihiling ng pagbasura sa kaso sa graft court.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

“The Sandiganbayan has observed, and undertake to continue to observe, the status quo prevailing before the issuance of the assailed Sandiganbayan Resolution dated April 6, 2015 insofar as petitioner Gloria Macapagal-Arroyo is concerned,” sinabi ng First Division.

Kahit na inutusan ng Korte Suprema ang First Division na magkomento sa order, sinabi ng graft court na wala na itong balak na gawin ito.

“Considering that it is just a nominal party in petition filed by petitioner Gloria Macapagal-Arroyo, the Sandiganbayan hereby manifests that it is no longer filing its comment on the said petition, unless the Honorable Court specifically directs it to do so,” sabi ng graft court.

Sa kasong plunder, si Arroyo at ang kanyang kapwa akusado ay kinasuhan sa umano’y paglipat ng Confidential Intelligence Fund (CIF) ng Philippine Charity Sweepstakes Office na nagkakahalaga ng P365 milyon sa panahon ng kanyang termino bilang pangulo. (Jeffrey Damicog)