IPINAGDIWANG nang simple ngunit makahulugan ang ikalawang anibersaryo ng Ynares Eco System (YES) to Green Program sa Rizal nitong Setyembre 24. Ang YES to Green Program ay flagship project ni Rizal Gov. Rebecca “Nini” Ynares at ng pamahalaang panglalawigan. Binubuo ito ng anim na component, tulad ng cleaning o paglilinis, greening o pagtatanim ng mga puno, recycling o tamang waste management, disaster risk reduction management, environmental protection at tourism.
Hudyat ng pagdiriwang ng YES to Green Programa ang isang-linggong pagtatanim ng mga puno, municipal-wide cleanup drive at paglilinis ng mga ilog sa 13 bayan at isang lungsod sa lalawigan. Pinangunahan nina Rizal Gov. Ynares, Vice Gov. Frisco “Popoy” San Juan, Jr. at ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, mga mayor ng bawat bayan, mga opisyal ng barangay, mga guro at mag-aaral. Kasunod ang isang maikling programa na inihayag ang napiling pinakamalinis na barangay. Isang e-tricycle na magagamit sa paghahakot ng basura ang premyo.
Bahagi rin ang mass tree planting sa YES City sa Barangay Cuyambay, Tanay, Rizal. Umabot sa 3,000 katao ang lumahok sa tree planting na nagmula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, tulad ng LLDA (Laguna Lake Development Authority), PNP, Philippine Army, mga guro at mag-aaral sa Rizal, BJMP, contingent ng mga bayan sa Rizal, at iba’t ibang kumpanya at business establishment na bukod sa nagpadala ng kanilang mga empleyado ay nagbigay din ng seedlings. Ang mass tree planting sa YES City, na may 2,334 na ektarya ang lawak at pag-aari ng pamahalaang panglalawigan, ay pinangunahan ni Rizal Gov. Ynares. Ang YES City ay watershed ng lalawigan.
Ang huling bahagi ng pagdiriwang ng ikalawang taon ng anibersaryo ng Ynares Eco System To Green Program ay tinampukan ng paglilinis ng lahat ng empleyado ng Rizal Provincial Capitol sa loob at labas ng kapitolyo sa Antipolo City. Sinundan ito ng isang programa sa Ynares Center, tampok ang video presentation ng mga accomplishment ng YES to Green Program. Sa inspirational message ni Rizal Gov. Ynares, pinasalamatan niya ang lahat ng mayor sa Rizal at mamamayan sa suporta sa YES to Green Program. Tampok din ang pagkilala at pagkakaloob ng gantimpalang garbage truck sa mga sumusunod: Cleanest Municipality sa 1st at 2nd district ng Rizal, na nakuha ng Antipolo at Tanay; Longest and Cleanest Rivers and Water Tributaries, na nakuha ng Antipolo at Baras; Cleanest Municipality para sa Angono at Teresa; Cleanest Barangay, na nakuha ng Bgy. Mahabang Parang sa Angono at Bgy. San Gabriel sa Teresa. Ang Cleanest and Eco-friendly Police Station ay nakuha ng Jalajala Police, na ang premyo ay isang motorcycle patrol. Ang Cleanest Jail ay nakuha ng Cainta BJMP, na may premyo na personal health kits.