HINDI na mahalaga kung magwagi man si Sen. Grace Poe sa reklamo laban na kanya na hindi siya natural born Filipino citizen. Ang mahalaga ay kung sa kabila na siya ay natural born citizen, makakaasa ba ang mamamayan na magagampanan niya nang buong katapatan ang kanyang tungkulin bilang pinakamataas na pinuno ng bansa? Para ba sa kapakanan ng bansa at mamamayang Pilipino ang kanyang itataguyod at ipagtatanggol sa lahat ng oras at sa anumang uri ng pagsubok?

Maigsing panahon na naipakilala ng senador sa taumbayan ang kanyang pagkatao. Sa totoo lang, kung hindi kay Da King at sa pagpanaw nito, eh, baka hindi natin nakilala ang senador. Una lang siyang lumitaw sa serbisyo publiko nang italaga siyang chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ni Pangulong Noynoy. Hindi nagtagal, kumandidato na siyang senador at nagwagi. Magtatatlong taon pa lang ngayon ang kanyang anim na taong termino bilang senador.

Sa kabilang dako, mas mahabang panahon ang inilagi ng senador sa Amerika kaysa Pilipinas. Dito siya nag-aral at dito siya nagkapamilya. Ang kanyang talong anak ay isinilang sa Amerika at, gaya niya, dito muna sila nag-aral. Hanggang ngayon, nananatiling American citizen ang kanyang asawa at ang kanilang tatlong anak. Siya lang ang bumalik sa pagiging Filipino citizen pagkatapos niyang talikuran ito at ipagpalit sa U.S. citizenship. Bago ka maging citizen ng Amerika, itinatadhana ng batas nito na ikaw ay manirahan doon nang sapat na panahon para mapatunayan na natutuhan mong mahalin ang kanilang kultura, simulain at pag-uugali. Kaya, nakuha ng senador ang mga ito bago igawad sa kanya ang U.S. citizenship.

Kung mahal mo ang iyong bayan at nais mong paglingkuran ito nang tapat, bakit ikaw lang ang nag-Filipino citizen? Nag-Filipino citizen ka lang ba para sa iyong pansariling layunin? Ang taong may ipinaglalaban na sa akala niya ay tama ay isinasama ang kanyang pamilya upang ipakita na taos sa puso ang kanyang pinaninindigan.
Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika