IKALAWANG bahagi ito ng ating paksa tungkol sa mga taong walang ginawa kundi ang masuklam sa kanilang kapwa. Maaari ngang walang kinalaman sa iyo ang kanilang pagkasuklam sapagkat ang mga nasusuklam ay tuwirang mga pesimista o walang nakikitang maganda sa kanilang kapwa. Minsan, gusto nilang makipagtalo sa iyo para lang makipagtalo. Anuman ang sabihin mo, sasabihin nilang mali ka. At hindi na kayo magkakasundo sa inyong pinagtatalunan.
Ano ba ang magagawa mo? Ano man ang kanilang dahilan, nais ng mga nasusuklam na pigilan at himukin kang isiping muli ang iyong pangarap. Kung determinado kang magtagumpay, kailangan mong manaig sa kanilang mga negatibong komento.
- Sumang-ayon ka na lang. - Mahirap talagang magtimpi, ngunit kapag ipinaatanggol mo ang iyong pangarap o ideya, lalo mo lamang gagatungan ang kanilang pagkasuklam. Kung ang kaharap mo ay mahilig makipagtalo, ang pinakamainam gawin ay ang tigilan mo ang pagtutol sa kanyang mga komento. Pasalamatan mo na lang ang nasusuklam sa kanyang mga komento. Sabihin mo sa kanya na tama siya. At kung wala nang ibang pag-uusapan, magpaalam nang maayos.
- Huwag mong personalin. - Kung nananatili sa iyo ang sumusugat na mga salita, tandaan na hindi ikaw ang kinasusuklaman kundi ang hindi nila matanggap na katotohanan na mas maganda ang iyong ideya o pangarap. Gaano man kaganda ang iyong ideya, gaano man iyon pakikinabangan ng buong daigdig, laging may isang ayaw mangyari iyon. Ang mga negatibong komento ng mga taong nasusuklam ay hindi dapat katapusan na ng iyong daigdig.
Sundan bukas.