Ipinagmalaki ni Pangulong Noynoy ang patuloy na paglago ng ating ekonomiya sa ilalim ng kanyang pamamahala. Ginawa niya ito sa 4th Euromoney Philippine Investment Forum na ginanap sa Peninsula Hotel sa Makati City. Kung dati ay itinuring tayo na “Sick Man of Asia”, sabi niya, hindi na tayo ganito tinitignan ngayon ng global community dahil sa pananalig nito sa nararanasan nating paglakas ng ating ekonomiya. Lumaki aniya ang dinalang puhunan sa ating bansa ng mga negosyante at namumuhunan. Sa kabila nito, wika niya, binabalewala ito ng media dahil ang balita hinggil dito ay karaniwang nailalathala lamang sa loob ng diyaryo. Mas mabenta raw sa mga mamamahayag ang mga negatibong balita.

Inaasahan pala ng Pangulo na ang mga nagagawa niyang maganda tulad ng paglago ng ekonomiya ay ibandera ng media. Kung maaari marahil ay ang mga ito ay nakatitik pa sa malalaking letra sa unang pahina ng pahayagan. Kung hindi ginagawa ng media ang gustong mangyari ng Pangulo ay dahil inaasahan ng taumbayan na ang kanilang gobyerno ay gaganap ng kanyang tungkulin para sa kanilang ikabubuti. Kapag nasunod ang naisin ng Pangulo, para ano pa ang media? Pampropaganda lang ba niya ang mga ito? Ang negatibong balita na sinasabi ng Pangulo na mabenta sa media ay iyong nadidiskaril ang gobyerno. Sa halip na itaguyod, pangalagaan at ipagtanggol ang kapakanan ng mamamayan, taliwas ang ginagawa nito. Kasi, ginagamit ng mga nasa gobyerno ang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila ng sambayanan para lamang sa kanilang mga sarili. Ang trabaho ng media ay hilahin ang gobyerno sa wastong direksyon upang magamit ng mamamayan sa sukdulan ang kanyang kapangyarihan nararapat para sa kanila.

Lumalago nga ating ekonomiya, pero anong uring buhay ang ibinubuhay ng taumbayan? Tumaas sa pinakamataas ng antas ang walang trabaho sa ating bayan. Gutom at kahirapan ang kapiling nila araw-araw. Mga kabataan natin ay hindi makapag-aral. Lumalabas ng bansa ang ating mga kababayan para sila magtrabaho pero dito sila nabibitay. Nagiging sanhi pa ng pagkawatak-watak ng kanilang pamilya. Ang sasakyang pampubliko kung saan dito sila makakabahagi sa iniyayaman ng bansa ay sira-sira at sapilitang humihinto na nagbibigay pa sa kanila ng panganib. Ang paglago ng ekonomiya ay dapat magbigay sana ng kaukulang ginhawa sa mamamayan. Pero ibang pag-unlad ang nangyayari sa ating bansa. Kakaunti ang bumubuti ang buhay at kung bumuti pa ay labis-labis sa kanilang pangangailangan.
National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya