Ipinag-utos ng Court of Appeals (CA) sa Armed Forces of the Philippines (AFP), na iprisinta sa korte ang lahat ng dokumentadong impormasyon na nakalap ng militar laban sa isang abogado na itinuturing na tagasuporta ng komunistang grupo.
Ito ay matapos paboran ng CA ang petition for Writ of Amparo at Writ of Habeas Data na inihain ng abogadong si Maria Catherine Dannug-Salucon na umano’y tinakot at isinailalim sa surveillance operation ng militar.
Kabilang sa inatasan ng CA ay ang noo’y AFP Chief of Staff Gen. Emmanuel Bautista, Army chief Lt. Gen. Hernando Irriberi, Maj. Gen. Eduardo Ano, Maj. Gen. Benito Antonio de Leon (5th Infantry Division commander), at Chief Supt. Miguel de Mayor Lauder, acting regional director ng Police Regional Office 2.
Ayon sa CA, hindi maaaring panagutin ang Pangulong Aquino sa kaso dahil ito ay mayroong immunity habang ito ay nasa puwesto.
Sinabi rin ng korte na hindi maaaring isama si Defense Secretary Voltaire Gazmin sa alegasyon na ito ay sangkot sa surveillance operation dahil walang nailabas na sapat na ebidensiya si Salucon laban sa kanya.
Sa kaso ng nagbitiw na hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Director General Alan LM Purisima, sinabi ng CA na ito ay maituturing na “moot and academic” dahil suspendido at kinalaunan ay nagbitiw ang naturang opisyal upang isama sa kaso.
Si Salucon ay isang miyembro ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) na nakabase sa Isabela na nagreklamo laban sa paniniktik ng militar matapos siyang bansagan bilang “red lawyer” dahil sa pagbibigay ng ayudang legal sa mga naarestong miyembro ng New People’s Army (NPA).
Subalit itinanggi ng AFP ang mga paratang ni Salucon dahil, ayon sa military, ang mga ito ay pawang mga “kathang-isip lamang.” - Rey G. Panaligan