TANAUAN CITY, Batangas – Sisimulan sa Abril ang konstruksiyon ng P400-milyon city hall sa Tanauan City, Batangas.
Ang “ultra-modern” na city hall ay isa sa “big ticket projects” ng pamahalaang lungsod, ayon kay Mayor Antonio Halili.
Nakuha ng Asset Builders Corporation ang kontrata sa tatlong-palapag na gusali na itatayo sa tugatog ng Laurel Hill, sakop ng Barangay Natatas.
Itatayo sa tatlong-ektaryang lupain ang munisipyo, people’s park at malawak na parking area, na mula sa donasyon ng angkang Torres-Aquino-Rafer.
Ang pondo sa pagpapatayo ng bagong city hall ay mula sa inutang sa Land Bank of the Philippines.