Walang hindi malulugod sa pagtatakda ng centennial year para sa ating mga National Artist (NA). Bukod ito sa NA award na ipinagkakaloob sa mga karapat-dapat na maging pambansang alagad ng sining na maingat na pinangangalanan o pinipili ng gobyerno.

Sa unang pagkakataon, itatakda ng pamahalaan ang centennial year para kina National Artist for Theater Severino Montano (Enero 3, 2015 – Enero 3, 2016) at National Artist for Theater and Film Lamberto Avellana (Pebrero 12, 2015 – Pebrero 12, 2016). Itinatadhana ito ng House Joint Resolution (HJR) na halos aprubado na sa Kamara.

Angkop lamang na pag-ukulan ng gayong parangal ang ating mga National Artist bilang pagpapahalaga sa kanilang naiambag sa paglinang ng kulturang Pilipino. Ang kahusayan nina Montano at Avellana ay naglalarawan ng pambansang pamana ng Pilipinas at ng daigdig.

Inaatasan ng nabanggit na HJR ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Cultural Center of the Philippines (CCP) at ang Department of Education (DepEd) na pamahalaan ang paggunita sa naturang centennial year para sa dalawang NA awardees. Dapat silang dakilain, bagama’t sila ay matagal nang sumakabilang-buhay. Dapat lamang pag-ukulan din ng gayong pagpaparangal ang iba pang National Artist pagsapit ng kanilang centennial year.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Natitiyak ko na ang ganitong pagpapahalaga sa ating mga Pambansang Alagad ng Sining o National Artist ay magsisilbing paggising o wake-up call sa NCCA at CCP sa kanilang maselang misyon hinggil sa pagsusuri ng mga karapat-dapat sa naturang karangalan. Walang alinlangan na sila ay laging maingat sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Subalit hindi maitatanggi na may pagkakataon na lumulutang ang sinasabing mga alingasngas sa pagbuo ng hindi mapagdududahang desisyon. Hindi ba may nakadidismayang mga pangyayari na nagbigay-dungis sa nakalipas na pagpili ng National Artist? Hindi na dapat maganap ang ganitong insidente.

Ang pagiging isang National Artist ay iginagawad nang buong puso at talino; hindi ipinakikiusap.