Pangatlo ito sa isang serye - Malaking hamon sa Pilipinas ang paglikha ng trabaho sa kabila ng mabilis na pagsulong ng ekonomiya. Ang antas ng underemployment, o mga manggagawang hindi sapat ang pinagkakakitaan, ay nasa 18.7 porsyento o 7.28 milyon, para sa kabuuang 9.76 milyong manggagawang walang hanapbuhay o hindi kumikita nang sapat. Mahigit 10 milyong Pilipino ang kasalukuyang naghahanapbuhay sa ibang bansa, at libo-libo pa ang umaalis araw-araw para maghanap ng ikabubuhay. Marami sa mga manggagawang ito ang sumasalunga sa panganib, kabilang na ang mga digmaan at pagmamalupit ng pinagtratrabahuhan.

Ang pagkakahiwalay sa pamilya ay nauuwi kung minsan sa pagkawasak ng tahanan. Kadalasan, nangingibang-bansa ang mga Pilipino dahil sa kawalan ng hanapbuhay sa sariling bansa na sapat ang kita. Hindi nga sapat ang nalilikhang hanapbuhay ng lumalagong ekonomiya para matugunan ang pangangailangan sa hanapbuhay. Naniniwala ako na ang industriya ng business process outsourcing (BPO), na patuloy sa paglaki, ay isang magandang alternatibo sa pangingibang-bansa. Ayon sa road map na binalangkas ng Department of Science and Technology (DOST) at ng Information Technology and Business Process Association of the Philippines (IBPAP), ang revenue ng industriya ay aabot sa $25 bilyon sa 2016, samantalang ang bilang ng mga empleyado nito ay aabot sa 1.3 milyon. Ang industriya ng BPO ay nakikinabang at nakatutulong sa sektor ng real estate, lalo na sa pagtatayo ng mga gusaling tanggapan.

Mahalaga ang industriya ng BPO sa pagpapalawak ng benepisyo ng ekonomiya dahil marami nang gusaling tanggapan ang itinatayo sa labas ng Metro Manila. Tinukoy sa isang pag-aaral ng DOST’s Information and Communications Technology Office (DOST-ICTO) at ng mga kumpanya sa industriya ang susunod na pangkat ng mga lungsod na inaasahang magiging sentro ng operasyon ng industriya: Davao, Sta. Rosa (Laguna), Bacolod, Iloilo, Metro Cavite (Bacoor, Imus at Dasmariñas), Lipa (Batangas), Cagayan de Oro, Malolos (Bulacan), Baguio at Dumaguete. Mga kandidato rin bilang sentro ng industriya ng BPO ang Iligan, Zamboanga, General Santos, Leyte, Laoag, Bohol at Legazpi City. Inaasahan ng mga eksperto ang pagpasok ng mas maraming lokal at dayuhang magtitingi sa malalaking mall na malapit sa mga gusali ng BPO. Pinalalakas din ng mga BPO ang mga planadong komunidad na malapit sa mga tanggapan nito, dahil dumarami ang nagkakaroon ng kakayahang bumili ng sariling tahanan. (Durugtungan)
Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon