Ni CAMCER ORDOÑEZ IMAM

CAGAYAN DE ORO CITY – Inaresto ng Tagoloan Police ang limang Chinese at isang Pinoy na kapitan ng barko dahil sa paghuhukay ng buhangin sa baybayin ng Tagoloan, Misamis Oriental, nitong Marso 22, at in-impound na ng awtoridad ang barko ng mga ito.

Naaktuhan ang limang Chinese sa pagkakarga ng mga buhangin sa barkong M/V Yue Hue Zhou Ho 8998, nang walang kaukulang permit at mga dokumento para sa sand dredging.

Kinilala ni Senior Insp. Maricris Y. Mulat, hepe ng Tagoloan Police, ang mga arestadong dayuhan na sina Gouwen Wu, Jianxin We, Yungcheng Liu, Zhongru Wu at Tomas Wong, habang ang kapitan ng barko ay si Rodolfo Meneses Gabinete.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sinabi ni Mulat na nagpapatrulya ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa baybayin ng Tagoloan nang mamataan ng mga ito ang barko ng mga Chinese.

Aniya, ilang buwan nang sinusubaybayan ng PCG ang nasabing barko sa suspetsang may kahina-hinalang aktibidad ito sa lugar.

Pinatigil ang barko sa karagatan ng Misamis Oriental at dinakip ang mga sakay nito sa paglabag sa RA 7942 (Mineral Resources Act of the Philippines).

Sinabi ni Mulat na ang barko ay in-impound ng PCG sa isang pribadong pantalan sa lugar.

Nakapiit naman sa himpilan ng Tagoloan Police ang limang Chinese at Pinoy na kapitan ng barko.

Ayon kay Mulat, nakatanggap ng tawag ang kanyang tanggapan dakong 2:00 ng hapon nitong Linggo mula sa PCG, at nanghihingi ng ayuda sa pagharang sa barko, na isang trailing suction hopper dredger, sa suspetsang walang permit ang mga tripulante sa paghukay saan mang bahagi ng bansa.