Mga laro ngayon
(Smart-Araneta Coliseum):
4:15pm -- Blackwater vs. Rain or Shine
7pm -- Meralco vs. Purefoods Star
Pangwalong panalo na magpapalakas ng tsansa nilang makapasok sa top two ang tatargetin ng defending champion Purefoods Star sa pagsagupa nito sa Meralco sa tampok na laro ngayong gabi ng 2015 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Kasalukuyang magkasalo ang Star Hotshots at Talk ‘N Text sa pangingibabaw hawak ang barahang 7-3, panalo-talo.
Tsansa nilang makapasok sa top two na may kaakibat na twice-to-beat incentive sa 8-team quarterfinals ay kapag hindi umabot ng walong panalo alinman sa Tropang Texters at ang Rain or Shine Elasto Painters na sasabak naman sa unang laban kontra Blackwater at sa darating na Linggo kontra Kia Carnival.
Pagkakataon din nila para makabawi sa kabiguang nalasap sa kamay ng Bolts noong isang taon para makausad sa semifinals.
“We’ll try to get to that top 2. We’re not sure if we end up on a 3-way tie with Talk ‘N Text and Rain or Shine we would lose to quotient,” pahayag ni Hotshots coach Tim Cone. “We should be at top 6 at this point, getting top 2 is a bonus.”
Sa panig naman ng Bolts, magtatangka naman silang makamit ang ikapitong tagumpay sa ika 10 laban upang makabalik sa win column at maibalik ang mataas na morale papasok ng playoff round kasunod ng 103-109 na kabiguang natamo sa kamay ng Alaska noong Martes.
Mauuna rito, madugtungan ang naitalang 82-79 panalo kontra Barangay Ginebra ang hangad naman ng Rain or Shine sa pagsabak nito sa out of contention ng Blackwater.
Kailangan ng Elasto Painters na mawalis ang natitirang dalawang laban sa dalawang expansion teams ng liga na Elite at Kia Carnival para makamit ang isa sa nakalaang twice-to-beat incentive para sa top two teams ng elimination round.