Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines(AFP) na nasa pangangalaga ngayon ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa isang liblib na lugar sa Maguindanao ang pangunahing Pinoy bomb expert na si Basit Usman.

Sinabi ni Brig. Gen. Joselito Kakilala, tagapagsalita ng AFP, batay sa nakuhang impormasyon ng military ay mamalagi pa rin sa Maguindanao si Usman kasama ang kumander ng BIFF na si Kagi Karialan, at isang alyas “Bungos.”

Tinukoy ng militar ang lugar na pinagtataguan ni Usman at BIFF sa tinatawag na “SPMS box,” o Salvo, Pagatin, Mamasapano at Shariff Aguak at ito ay napapalibutan na ng mga sundalo.

Binanggit pa ni Kakilala, umalis si Usman sa grupo ni Mohamma Ali Tambako at umanib sa pwersa ng BIFF noong nakaraang Huwebes matapos masawi ang tatlo nitong kaanak sa labanan sa pagitan ng Justice Islamic Movement (JIM) at militar.

Probinsya

13-anyos na babae, hinalay matapos mangaroling

Si Tambako, umano’y nagtatag ng JIM matapos kumalas sa BIFF, ay naaresto ng militar kasama ang anim nitong tauhan sa Barangay Calumpang, General Santos City noong linggo.

Kabilang din umano ang grupo ni Tambako sa pumatay sa 44 tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

Ayon pa sa pagtaya ng military, kinabibilangan ng 100 armadong katao ang grupo ni Kumander Karialan na nagtatago kasama si Usman sa marshland area.

Binanggit pa ni Kakilala, nagkaroon umano ng hinala si Usman sa grupo ni Tambako kung kayat lumipat ito sa BIFF.