Simula nang mag-18 taong gulang ako, nagtatrabaho na ako. Marami-rami na rin akong napasukan hanggang sa korporasyong aking pinaglilingkuran ngayon. Sa lawak ng aking karanasan sa aking napiling propesyon, marami na akong nakasalamuha at sinuong ko rin ang marami-rami ring situwasyon.
Sapagkat ang tungkulin ko sa aking trabaho ay suporta lamang sa mga superyor, malamang na uminit din ang ulo ko kapag uminit ang ulo nila tuwing nalalapit na ang deadline at hindi pa namin natatapos ang trabahong kailangang tapusin. Pero hindi ko hinahayaang sumabog ang dibdib ko sa galit. Sinisikap kong kumalma upang sa gayon ay hindi mahalatang apektado ako ng init ng ulo nila. Sa ganitong paraan, hindi ko napapalaki ang problema at hindi rin nahahayaang magtagal sa negatibo ang situwasyon. At paano ko ginagawa iyon? Narito...
- Sikaping huwag lumikha ng kalamidad. – Napakadaling palakihin ang isang maliit na problema. Kung sa iyo naman nagmula ang problema, huwag ka nang magsalita o gumawa ng anumang bagay kung alam mong wala ka namang maitutulong upang ayusin ang gulo na nilikha mo. Sa halip na maghanap ng iyong masisisi o mapagbibintangan, ipahiwatig mong kaya mong hanapin ang solusyon sa problema. Kung nabatid ng iyong superyor o boss na kikilos ka upang maghanap ng solusyon sa problema, makatutulong iyon sa ikapapanatag ng iyong kalooban at mas makaiisip ka nang mabuti.
- Mag-isip nang mabuti bago ka magkuwento. – Karamihan sa mga negatibong situwasyon ay lalong lumalala dahil sa maling impormasyon na ibinabahagi sa iba. Huwag mong ipasa sa pamamagitan ng email o tweet ang problema ng iyong departamento o ng iyong galit sa iyong boss o supervisor. Huwag mo ring itsismis agad ang problema sa iyong mga kaibigan; hayaan mo munang nakatago sa iyong isip ito nang matagal. Minsan, lalo pang lumalala ang situwasyon kung naipasa pa ng iyong mga pinagsabihan ang problema at lalo mo itong ikagagalit at saka ka magsisisi kung bakit mo pa naitsismis iyon. Kapag itinago mo sa isip ang problema, mas makaiisip ka ng paraan upang mawala ang negatibong situwasyon.
Sundan bukas.