KINSE PESOS ● Kung araw-araw kang sumasakay ng jeep papasok sa iyong trabaho, malaking bagay ang P7.50 na naitatabi mo bilang pamasahe sa isang sakay (depende sa layo ng iyong pinapasukang kumpanya). Kaya sa hirap ng buhay ngayon, hindi mo sasayangin ang bawat sentimo para sa pamasahe. Hindi rin dapat pagtakhan kung bakit mas nakararami sa atin ang nagtitipid at nagkakait sa sarili ng mga simpleng kaligayahan sa buhay. Presyo rin ng isang maaayus-ayos na tinapay ang P7.50 upang makatawid sa maghapong pagtatrabaho.
Pero mainam pa rin na mayroon kang extra na barya sakali mang mabutas ang bulsa mo sa paglalakad. Kaya malaking bagay na ang P15.00 dagdag-sahod na ipatutupad sa kalagitnaan ng Abril ngayong taon. Ayon sa isang balita, inaprubahan na kamakailan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang naturang dagdag-sahod para sa minimum wage earners sa Metro Manila. Ang kasalukuyang P466 minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila ay magiging P481 pagsapit ng Abril, and take note – mahigpit itong babantayan ng RTWPB. Dalawang sakay sa jeep – isang paroon at parito – ang halos libre na. Maraming salamat!
***
PANSARILING INTERES ● Dahil tumitindi na ang opensiba ng iba’t ibang bansa upang puksain ang kanilang grupo, pinakawalan ng mga fighter ng Islamic State ang may 20 banyagang kanilang dinukot sa Sirte, Libya. Maraming bansa na ang nakiisa sa puwersang pulbusin ang mga rebelde ng Islamic State, pati na ang mga armamento at kampo nito kung kaya dumarami ang nalalagas sa grupo ng masasamang loob. Ayon sa isang ulat, pawang mga manggagamot ang naturang mga bihag na pinalaya ng isang grupo ng 30 armadong lalaki na nagsabing mga miyembro sila ng IS. Anang isang bihag na doktor sa isang panayam, hindi naman sila pinahihintulutang lumabas ng Sirte sapagkat kailangan ng IS na ipagpatuloy ang kanilang paggagamot sa sugatang mga rebelde. Kabilang ang mga pinalayang manggagamot sa iba pang banyaga na dinukot at dinala sa Al-Ghgani oilfield kung saan mayroon ding mga Pilipino. Dahil sa kanilang propesyon, hindi nila maaaring itanggi ang paggagamot sa mga militante. Mabigat man sa kanilang kalooban kailangan nila itong gawin.