KAPAG sinabing mga gamit ng mga artista ang ibinibenta sa mga bazaar ay nauubos agad ang mga ito lalo na kung sikat. Pero sa napasyalan naming bazaar sa Centris, Quezon City noong Sabado ng gabi ay tambak ang nakita naming pre-loved items ng mga kilalang personalidad.
Nakita namin ang booth ng magdyowang Divine Lee at Victor Basa na sa pakiwari namin ay walang bumibili dahil gastado na masyado lalo na ang mga polo at shirt ng aktor.
Samantalang parang out of this world naman ang estilo ng mga sapatos at ilan pang gamit ni Divine kaya siguro hindi rin mabenta.
Nakita rin namin ang puwesto ni Karen Bordador na sumali sa I Do reality show na halu-halo ang pangbenta, may mga tumitingin, pero wala naman kaming nakitang bumili.
Namataan din namin ang ibinebentang second hand branded LV bags and wallets ng mga kilalang artista na pinagsama-sama sa iisang puwesto pero nakakaloka dahil sobrang mamahal pa rin gayong gastado na, as in may mga gasgas na ang mga gilid.
Ang ibang personalidad naman ay mauutak dahil RTW o ready to wear ang mga ibinebenta na hinaluan ng pagkain at sabon na mas mabenta.
Ang puwesto na nakita naming pinakamabenta ay ang mga panindang joggers at hoodies ng isang modelong lalaki na nakalimutan namin ang name. Kahit may kamahalan, dinudumog pa rin kasi kakaiba ang estilo at sariling disenyo. Sabi nga, gawang Pinoy.
As usual, mabenta pa rin ang imported goodies mula sa Costco (mala SnR) sa ibang bansa lalo na ang mga tsokolate, palaman, kape, biscuits at iba pa na hindi karaniwang nabibili rito sa Pilipinas.
Sana naman ang mga kilalang personalidad na sumasali sa bazaar, ‘yung mga paninda ninyo ay puwedeng gamitin ng mga ordinaryong tao o supporters ninyo at mabibili sa murang halaga, hindi ‘yung gastado na pero sobrang mahal pa rin, kalurky! –Reggee Bonoan