Alam ni Pangulong Noynoy ang “Oplan Exodus” na isinalya ng PNP-SAF para dakpin ang mga high value target tulad ni Marwan. Katunayan nga, wika ng PNP Board of Inquiry (BOI), inaprobahan niya ito at pinairal pagkatapos ilatag sa kanya ni SAF Director Napeñas ang plano nito lang nakaraang Enero 9 sa Malacañang. Ang problema, binigyan niya ng bahagi sa operasyong ito si Alan Purisima kahit na ito ay suspendido at hindi man lang ipinaalam kina DILG Secretary Roxas at OIC PNP Chief Espina. Kaya, sabi rin ng BOI, nilabag ng Pangulo ang chain of command.

Ang katanungang inihahanap natin ng kasagutan noon bago ang BOI report ay bakit sinarili nina Pangulong Noynoy, Purisima at Napeñas ang operasyon? Bakit sila nangahas na ipairal ito kahit wala munang koordinasyon sa mga sundalong naroroon na sa lugar na iyon? Sabi ng BOI Report kasi ay suportado ito ng Amerika. Ang Amerika aniya ang nagbigay ng technical support. Mayroon pa nga raw mga sundalong Amerikano na kasama mismo sa operasyon sa pagtupad ng bahagi nito sa operasyon. Nangahas din ang tatlo dahil may malaking halagang dolyar ang nakapatong sa mga ulo ng kanilang target. Kung nataong nagtagumpay ang operasyon, napakadaling gamiting batayan ito ng Pangulo ang ihiling sa Sandiganbayan ang pagpapaigsi ng suspension ni Purisima.

Alam kong kulang pa ang BOI Report. Hindi buo ang larawan ng dahilan ng pagkasawi ng SAF 44. May mga mahalagang detalye ng pangyayari na nakuha ng senado sa ginawa nitong imbestigasyon pero itinago niya sa executive session. Ilalabas ba ang mga ito ng senado? Kaya, noong una pa man ay nasa wastong direksyon na ang pagkakaroon ng isang grupong magiimbestiga ng insidente. Ang grupong ito ay binubuo ng mga taong may integridad sa katotohanan at walang pakialam kahit sino ang masaktan, opisyal man natin o banyaga. Kailangan natin ang mga impormasyong galing sa grupong ito dahil hindi lang isyu rito ang katarungang hinihingi ng mga naiwan ng SAF 44. Ang pinakamalaking isyu rito ay ang mabuo tayong mga Pilipino na nabubuhay ng mapayapa. Kasi, sa mga impormasyong kung sinu-sino ang naglalabas, ang biktima rito ay ang ating pagkakaisa at ang pagnanais nating mabuhay sa kapayapaan.
National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists