Noong panahon ng Kastila, ang mga prayle ang may pinakamalawak na lupain sa Pilipinas. Ngayon, maraming obispo ang nananawagan kay PNoy na bigyan ng bagong buhay at maluwalhating pagwawakas ang 27-anyos na agrarian reform program para matulungan ang may isang milyong magsasakang Pilipino upang makaalpas sa kahirapan. Wala na si Padre Damaso. Ang mga pari, obispo at arsobispo ngayon ay pawang mga Pilipino na. Panahon na para magkaroon ng sariling lupang binubungkal ang mga magsasaka!
Dahil sa trahedya sa Mamasapano, Maguindanao maraming Pinoy ang naniniwalang pasiglahin na lang ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Ang ARMM na naitatag noong panahon ni ex-Pres. Fidel V. Ramos ay isang rehiyong awtonomiya na mismong ang mga Muslim ang nagpapalakad ng pamahalaan at nangangalaga sa kanilang kultura, tradisyon, edukasyon, shariah law at iba pa. Gayunman, may paniwala si PNoy na ang ARMM ay isang “failed experiment” dahil hindi naman diumano guminhawa ang mga residente roon. Hindi raw ito nagtagumpay dahil ang bilyun-bilyong pisong pondo na inilaan ay nilustay lang daw ni Misuari at ng iba pang mga governor na sumunod sa kanya.
Samakatwid hindi kasalanan ng ARMM kung nasiphayo ang taga-Mindanao sa kabiguan ng autonomous region na maingat ang antas ng kabuhayan ng mga naninirahan doon. Kasalanan ito ng mga lider na humawak ng renda ng ARMM. Ganito rin ang situwasyon sa pambansang gobyerno. Hindi kasalanan sistema ng pamahalaan kung bakit patuloy sa paghihirap ang milyun-milyong Pilipino, walang hanapbuhay at hindi makakain ng tatlong beses maghapon. Manapa, maituturing na kasalanan ito ng ating mga lider at maging ng taumbayan na naghalal sa isang Pangulo at mga pinuno ng pamahalaan na inutil, walang kakayahan at ang tinatahak ay lihis na daan.
Ano ang malay natin na ganito rin ang mangyayari sa itinatatag ngayong Bangsamoro substate sa pamamagitan ng Bangsamoro Basic Law (BBL) na nakabalaho ngayon sa Kongreso bunsod ng nakagigimbal na trahedya sa Mamasapano. Napatay ang 44 kabataang SAF commandos sa kamay ng MILF at BIFF. Nagdududa ang sambayanang Pilipino sa sinseridad ng MILF dahil sa brutal na pagpaslang sa SAF men.