Mapanisi si Pangulong Noynoy Aquino. Sa harap ng mga lider ng born-again Christian groups sa malawak na bakuran ng Malacañang noong Lunes, sinisi niya ang sinibak na PNP Special Action Force (SAF) Director Getulio Napenas sa palpak na Mamasapano, Maguindanao operations. Eh, paano naman si ex-PNP Chief Director General Alan Purisima?

Bakit hindi niya ito binagsakan ng labis na paninisi gayong siya ang namahala sa operasyon laban kina Marwan at Usman samantalang siya ay suspendido na bilang hepe ng PNP? Binola raw siya ni Napeñas kaugnay ng operasyon, at nagsinungaling. Akala niya ay smooth-sailing ang pagsalakay sa kubo ni Marwan batay sa power point presentation na ipinakita sa kanya noong Enero 9 kasama si Purisima. Dahil umano sa pambobola sa kanya ni Napenas, ang misyon para mahuli si Marwan ay naging isang “mission impossible.” Napatay nga ang terorista, pero kapalit nito ang buhay ng 44 SAF commando!

Para kay PNoy, ang mga kritiko daw niya at mga kontra sa Bangsamoro Basic Law (BBL) ay pawang KSP. Sa salitang lansangan, ang KSP ay “Kulang Sa Pansin.” Sila ba sina Tito Peping at Tita Tingting? Narinig ko sa isang radio announcer na ang KSP raw ay “Kulang Sa Pambobola.”

Salungat si Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga panawagan na pababain sa puwesto ang solterong Pangulo dahil responsable siya sa sumablay na SAF operations. Ayon kay Tagle, ang mga ito ay pawang “panggulo” lamang. Kabilang sa humihimok na magbitiw si PNoy ang mga obispo, pari at madre. Kasama rin dito sina ex-Sen. Francisco “Kit” Tatad, ex-Tarlac Rep. Jose “Peping” Cojuangco Jr., tiyo ni PNoy, ex-Tarlac Gov. Tingting Cojuangco at ex-Defense Sec. Norberto Gonzales.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Isang Igorot ang topnotcher sa PMA Class 2015. Siya ay si Cadet First Class Arwin Martinez, 22, ng Bgy. Loakan, Baguio City. Siya ay mula sa relihiyosong angkan ng Kankaney at Ibaloi ng Buguias, Benguet at Loakan. Talagang marurunong at matatapang ang mga Igorot. Ang dati kong kasamang reporter sa Defense Press Corps na si Alex Allan ng defunct Phil. Daily Express ay isang Igorot. Maging si Rolando “Lakay” Gonzalo na isang popular broadcaster ay isa ring Igorot. Labintatlo sa napatay na 44 SAF commando ay mula sa Cordillera. Mabuhay ang mga Igorot!