Walang pagod sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao, umaasa si Pangulong Benigno S. Aquino III na maaaprubahan ng Kongreso ang kontrobersiyal na panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) bago sumapit ang Hunyo.
Inihayag ng Pangulo ang kahilingang mapaaga ang pagpapasa ng panukalang magtatatag sa Bangsamoro political entity sa isang prayer assembly sa Malacañang nitong Lunes.
“I’m sure we will arrive at a compromise in due time. They are projecting approval by June,” anang Pangulo.
“I’m hoping ‘yung Congress approves the Bangsamoro Basic Law way before June to give the (Bangsamoro) Transition Authority, papalit ng gobyerno, enough time naman to demonstrate the merit of their belief that this is a better mode of governance than what is existing,” aniya.
Sa ilalim ng panukalang BBL, ang Bangsamoro Transitional Authority ang mangangasiwa sa bagong political entity sa ilalim ng mga bagong opisyal na ihahalal sa 2016.
Inaasahan din ng mga leader sa Kongreso na maipapasa na ang nasabing prioridad na panukala ng Pangulo sa Hunyo.
Gayunman, aminado si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na magiging pahirapan ang pag-apruba sa BBL kasunod ng hindi pa rin humuhupang galit ng publiko sa pumalpak na operasyon ng pulisya sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, na 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) ang napatay ng nagsanib-puwersang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Matatandaang sinuspinde ang mga pagdinig ng Kongreso sa nasabing panukala upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa madugong engkuwentro sa Mamasapano.
Muling iginiit na legal ang BBL, umapela ang Pangulo sa mga grupo sa Kongreso na tumututol sa nasabing panukala na basahing maigi ang BBL bago ito batikusin, sinabing nakasalalay sa pagpapasa nito ang pangmatagalang kapayapaan at pagsulong ng ekonomiya ng Mindanao. (Genalyn D. Kabiling)