Dapat nitong nakaraang Lunes ay isinumite na ng PNP Board of Inquiry (BOI) ang naging bunga imbestigasyon nito sa nangyari sa Mamasapano kina DILG Sec. Mar Roxas at acting PNP Chief Espina. Pero, humingi ito ng palugit sa kanyang sariling kadahilanan. Naniniwala akong natapos na nito ang kanyang report at naibigay na niya ito kay Pangulong Noynoy. Kaya lang nga, humingi ito ng extension upang bigyan ng daan at huwag maunahan ang talumpati ng Pangulo na ginawa nito mismo kinahapunan ng Lunes.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga relihiyosong grupo sa pangunguna ng Jesus is Lord Movement ni Bro. Eddie Villanueva, dinetalye niya ang tunay daw na nangyari sa Mamasapano at kung bakit namatay ang SAF 44. May inako siyang naging partisipasyon niya sa operasyon sa pagdakip sa mga terorista. Kaya, hindi na kailangan pang ilabas ng hayagan ng BOI ang nilalaman ng kanyang imbestigasyon. Naipaalam na ito ng Pangulo sa mamamayan. Kaya, hindi rin dapat ikagulat kung ang hihirangin niyang maging kapalit ni Purisima bilang PNP chief ay si Gen. Magalong na siyang pinuno ng BOI.

Magkaganoon man, mahirap pa ring mailusot ng Pangulo ang kanyang sarili kahit naitugma na niya sa BOI Report ang kanyang talumpati. Ilang ulit na lumabas sa publiko ang Pangulo mula nang mangyari ang Mamasapano, ngayon lang niya inamin na may nalalaman siya sa nangyaring operasyon dito. Umaga pa lang ng operasyon ay alam na niya ang nagaganap, hindi hapon tulad ng naunang niyang sinabi. Ngayon lang din niya sinabi na sa buong operasyon ang kaugnayan niya ay si SAF Commander Napeñas. Paano iyong inamin niya noon na sa operasyong ito ang ka-text niya ukol sa nagaganap ay si Alan Purisima? Kailangan kasing alisin niya sa eksena si Purisima dahil sa panahong ito ay suspendido na ito bilang PNP chief. Ang malaking problema ng Pangulo ay ang mga lumbas nang impormasyon sa imbestigasyon ng senado kahit ang mga mahalaga ay inipit nito sa kanyang executive session. Kahit limitado ang mga impormasyong ito ay siya pa rin ang idinidiin na responsable sa operasyon. Inutil ang BOI Report para rito magtago ang Pangulo.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras