KRALJEVO, Serbia (AP)– Makakatapat ni Novak Djokovic si Mate Delic sa opening singles match ngayon sa pagsagupa ng Serbia kontra Croatia sa first round ng Davis Cup.

Ang nasabing draw ay kakikitaan din ng laban sa pagitan nina Viktor Troicki at ang talentadong Croatian teen na si Borna Coric.

Sa doubles naman sa Linggo, makakalaban nina Nenad Zimonjic at Troicki sina Marin Draganja at Franko Skugor.

Ang U.S. Open champion na si Marin Cilic ay hindi makalalahok sa best-of-five series dahil sa injury, mag-iiwan sa Croatia sa pangunguna ng 18-anyos na si Coric, na tinalo si Rafael Nadal noong Oktubre at Andy Murray noong nakaraang buwan.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

‘’We are favorites, but that does not mean we have already won the match,’’ saad ni Djokovic, na pinuri si Coric para sa kanyang talento. ‘’His wins against Nadal and Murray illustrate his capabilities.’’

Ang reverse singles sa isang indoor hard court sa central Serbian town ng Kraljevo ay magaganap naman sa Lunes.

‘’If it comes to a match against Djokovic, I will try to enjoy playing against the best player in the world,’’ saad ni Coric.

Si Troicki ay nagbabalik para sa Serbia matapos ang isang taong suspensiyon dahil sa doping.

Ito ang ikalawang paghaharap ng Serbia at Croatia mula ang madugong pagkakahati ng Yugoslavia noong kaagahan ng 1990s. Noong 2010, pinangunahan ni Djokovic ang quarterfinal victory ng Serbia patungo sa una at nag-iisa nitong titulo.