Hindi nababahala ang Malacañang sa reklamong treason na inihain laban kay Pangulong Benigno S. Aquino III kaugnay ng palpak na operasyon ng pulisya sa Mamasapano, Maguindanao at pagpasok sa kasunduan para sa pagbuo ng Bangsamoro Basic Law (BBL).

Sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na walang basehan ang reklamong inihain ng dating assemblyman na si Homobono Adaza sa Office of the Ombudsman.

“Hindi natitinag ang determinasyon ng Pangulo na isulong ang prosesong pangkapayapaan sa kabila ng mga paratang na walang matibay na batayan,” sinabi ni Coloma kahapon sa mga mamamahayag sa media briefing sa Palasyo.

Sa reklamo, iginiit ni Adaza na dapat na kasuhan ng treason si Pangulong Aquino at ang iba pang matataas na opisyal ng gobyerno sa pagsusulong ng kasunduan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at sa panukalang magtatatag sa Bangsamoro political entity, na ayon sa kanya ay paglabag sa Konstitusyon at pagtulong sa mga kaaway ng estado.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Inakusahan din ang commander-in-chief sa pagpapalabas ng standing order laban sa pagpapadala ng reinforcements sa Special Action Force (SAF) na naka-engkuwentro ng MILF sa Mamasapano noong Enero 25 para lamang maprotektahan ang BBL.

Inihain ni Adaza ang reklamo bagamat may immunity ang Pangulo sa anumang kaso.

Matatandaang binanggit ng Pangulo sa kanyang pagdalo sa ika-29 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ang patuloy na pagsusulong ng prosesong pangkapayapaan sa Mindanao sa kabila ng sagupaan sa Mamasapano.

Ilang mambabatas ang nagpahayag na ng hindi katiyakang susuportahan ang pagpapasa sa BBL kasunod ng pagkakasangkot ng MILF sa insidente sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 mula sa SAF. Nais ng ilan na amyendahan ang mga probisyon ng priority bill ng Pangulo, habang tumatanggi naman ang ilan na ipasa ito dahil sa umano sa kawalan ng sinseridad ng MILF sa prosesong pangkapayapaan. (Genalyn D. Kabiling)