BUENOS AIRES, Argentina (AP)– Napanalunan kahapon ni Rafael Nadal ang kanyang unang titulo matapos ang halos siyam na buwan nang kanyang talunin si Juan Monaco, 6-4, 6-1, sa Argentina Open.
Hindi pa umaabot ang top-seeded Spaniard sa isang final mula nang mapagwagian ang Roland Garros noong nakaraang taon.
Ito ang ika-46 titulo ni Nadal sa clay, naglapit sa kanya sa tatlo sa rekord na naitala ng Argentine na si Guillermo Vilas nang maglaro siya noong 1970s at maagang bahagi ng 1980s.
Nabasag ni Nadal ang serve ng 60th-ranked Argentine na si Monaco sa huling bahagi ng first set upang kunin ang 1-0 abante, at pagkatapos ay dinomina ang ikalawang set upang isara ang laro sa loob ng 1 oras at 26 minuto.
Inantala ng ulan ang laban sa Buenos Aires.
‘’It was a complicated day for everybody,’’ saad ni Nadal. ‘’Both for me and (Monaco) but especially for the fans who had to wait. We have to thank them for staying here until the end.’’
Si Nadal, na nakipagbuno sa iba’t ibang injury sa mga nagdaang buwan, ay mayroon nang 65 singles titles.
Si Vilas, ranked No. 2 sa mundo noong 1975, ay mayroong kabuuang 62 titulo sa singles.
Ang 62-anyos na dating player ay nasa final sa Buenos Aires noong Lunes.
Ang fourth-ranked na si Nadal ay sariwa pa mula sa eliminasyon sa semifinal ng Rio Open. Ito ang kanyang unang titulo sa Argentina kung saan huli siyang naglaro noong 2005.
Ito ang ikapitong sunod na taon na isang Spaniard ang nanalo sa Argentina Open. Si David Ferrer ay nakakopo ng tatlong sunod na titulo noong 2012-2014.