Hanggang ngayon hindi pa rin ako maka-move on sa hirit ni Deputy Speaker Neptali “Boyet” Gonzales Jr. na “Kung hindi aayusin ng Kongreso ang Bangsamoro Basic Law (BBL), maghanda tayo sa gera”. Ano ba naman yan? Tayo na nga ang naisahan at inagrabyado, heto at tinatakot pa tayo ni Gonzales. Tapos kapag nagkagulo, kasalanan pa natin. Huwag ganoon. Kakalibing pa lang natin sa 44 na PNP-SAF. Hindi pa nga tayo nagbababang luksa sa tradisyunal na 40 araw na padasal ay pilit tinatarak na sa dibdib natin yang BBL!

Saka nakalimutan na ba ng lahat? Gumugulong pa ang imbestigasyon tungkol sa Mamasapano. At higit, may nakabinbing panawagan sa MILF na ibalik ang mga armas, sandata atbp. sa PNP kasama mga personal na gamit ng SAF hal. cell phone para maihabilin sa kani-kanilang pamilya. Itong huling nabanggit ay isang hamon sa “sincerity” ng MILF? At kung ang kausap ng ating Pamahalaan ay may “control” ba sa kanilang pwersa o wala? Dahil kung malamya ang renda, ibig sabihin, talo pa ang ang lasing na nangangako sa dalagang birhen iyang “peace process”.

Sa nagdaang ilang araw, umaabot sa 16 na armas ang naibalik ng MILF. Sa salitang kanto “payat” ang isinauli sa pamahalaan, kung ikukumpara sa kumpletong talaan na inilabas ng PNP. Pagkatapos, ang MILF pa ang may mukhang sabihan tayo na ipasa ang BBL, ayon sa kanilang gusto, sa ilalim ni Aquino, at kung hindi, lagot ang bayan! Nga pala, pansin niyo ba na nawala sa eksena si dating MILF Spokesman Eid Kabalu? Dahil nagkagirian at nagselos pala itong si Mohaqher Iqbal kay Kabalu kasi mas matalino. Habang si Iqbal naman ay “madulas”. Pinagsasanib niya ang Islam, Demokrasya at Komunismo sa kanyang mga pananalita, ayon sa mga kausap nating mga Muslim-Pilipino. Sa kasalukuyan naghuhuntahan ang sambayanan sa “all-out war” at “all-out peace” sa Katimugang Mindanao. Ayaw man ng Pilipino sa gera, subali’t matingkad pa sa araw, na kung pumalpak ang BBL, hindi ang Pamahalaan ang unang pipisil sa gatilyo, gagawa ng pangalawang Mamasapano at terorismo.

Kapag naganap yun, pananagutan ng kahit anong gobierno, lalo’t nagkakagulo o nalalagay sa peligro ang estado, na gamitin ang lahat ng kapangyarihan sa ilalim ng Saligang Batas upang maibalik at mapanatili ang batas at kaayusan sa kahit anong lugar sa buong bansa. All-out Justice.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente