Walang hindi hahanga sa matatag na determinasyon ng mga bilanggo na hindi nagbabago ang pagka-uhaw sa edukasyon habang pinagdudusahan ang parusa sa kanilang pagkakasala. Isipin na lamang na sa Bataan provincial jail, tatlong inmate ang tumanggap ng mga diploma kaugnay ng kanilang pagtatapos sa skills education program na ipinatupad ng Bureau of Jail Management ang Penology (BJMP) sa pakikipagtulungan ng Bataan Peninsula State University (BPSU).
Maging ang New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ay maraming pagkakataon na naging eksena rin ng makabuluhang graduation rites dahil sa pagtatapos ng mga bilanggo sa iba’t ibang kurso. Kung hindi ako nagkakamali, ang naturang education program ay itinaguyod naman ng Perpetual University; ang mga klase sa iba’t ibang asignatura ay isinagawa sa loob mismo ng bilangguan.
Ang nabanggit na mga pagsisikap ay isang panggising sa mga nangangasiwa ng mga provincial at municipal jail sa buong kapuluan upang hikayatin ang mga bilanggo na mag-aral ng technical at vocational courses; hindi nila namamalayan na tapos na ang pagsisilbi sa kanilang sentensiya ay tapos na rin ang kanilang pag-aaral. Bunga nito, tiyak na sila ay maipagkakapuri ng lipunan sa kanilang paglaya; at magiging madali ang paghahanap ng ikabubuhay dahil sa kanilang napag-aralan.
Ganito ang dapat mangyari sa napipintong paglilipat ng NBP sa Laur, Nueva Ecija. Sa halos 500 ektaryang pagtatayuan ng bagong bilangguan, mainam na maging bahagi ng programa ang pagtatayo ng paaralan para sa iba’t ibang kurso na angkop sa mga bilanggo. Hindi lamang ang mga academic courses ang dapat ituro kundi maging ang hinggil sa handicraft at livelihood projects na madaling pagkakitaan.
Kasabay nito ang pagtatayo ng isang dalanginan para sa iba’t ibang relihiyon. Ikalulugod ng mga bilanggo ang isang lugar na magiging dulugan ng kanilang pagsisisi, lalo na ang mga inmates na nagkasala lamang dahil sa matinding silakbo ng damdamin.
Ang rehabilitasyon ay hindi lamang tungkol sa pagkakakitaan kundi maging sa rehabilitasyon sa isip at sa puso.