ANTIPOLO CITY– Inangkin ng nagbabalik na dating Tour champion na si Baler Ravina ang mahirap na 171.1km Stage Three habang inagaw ni Santi Barnachea ang overall leadership matapos tumawid na 1-2 sa finish line ng Ronda Pilipinas 2015 na inihahatid ng LBC na nagsimula sa Quezon Provincial Capitol sa Lucena City at nagtapos dito sa Rizal Provincial Capitol.

Bike_Ronda_04_Dungojr_230215-196x300

“Malaking tulong po na nakakuha ako ng stage win dahil nagkasakit ako sa baga at anim na buwan na nagpahinga. Ngayon lang po ulit ako talaga nakondisyon at masuwerteng nakapanalo ng lap,” sinabi ng dating 2012 Tour titlist na mula sa Asingan, Pangasinan na si Ravina.

Itinala ng kapwa Pangasinenses na sina Ravina at Barnachea ang oras na 4:35:46 para sa una at ikalawang puwesto. Magkakasabay naman sina John Paul Morales at John Ray Gabay sa ikatlo at ikaapat na puwesto sa naitalang 4:42:35 oras.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Magkakasama ding dumating sina Irish Valenzuela, Elmer Navarro, Marvin Tapic at Lloyd Lucient Reynante sa naiposteng oras na 4:42:45 habang ikasiyam si John Mark Camingao (4:42:55) at ikasampu si Lord Anthony del Rosario (4:43:36).

Maliban sa Stage victory at P30,000 premyo, nakuha din ni Ravina ang overall points classification sa King of the Mountain na may dagdag na P3,000 sa natipon nitong 16 puntos. Ikalawa si Barnachea na may 11 puntos at ikatlo si Ronald Oranza na may 6 puntos.

“Pinilit ko na kumawala doon pa lamang sa unang akyatin at noong nakita ko na isa lamang ang nasa likod ko na si Baler (Ravina), idineretso ko na ang pagtrangko. Nakiusap na lamang ako kay Baler na tulungan ako kahit kaunti lang dahil nakita ko na abante ako ng 40 segundo,” pahayag ni Barnachea na mula Umingan, Pangasinan.

Bunga ng ikalawang puwestong pagtatapos ni Barnachea na asam ang ikaapat nitong titulo ay inagaw nito ang overall leadership sa kabuuang oras na 9:37:00 kontra kay George Oconer ng PSC-PhilCycling Team na nahulog sa ikalawang puwesto sa itinalang 9:45:00 at Cris Joven na may 9:45:29 oras.

“Aalagaan ko na lang po siguro ang abante para makuha ang korona. Alam naman ng mga kasamahan ko na gusto ko makakuha ng isa pang titulo bago ako tuluyang magretiro,” giit ni Barnachea.

Hindi naman nakatapos ang nagtatanggol na kampeon na si Reimon Lapaza ng Butuan Cycleline matapos itong magreklamo ng pagsusuka at pagkauhaw habang nasa kasagsagan ng karera at kinailangang isakay na lamang sa ambulansiya hanggang sa matapos ang karera.

Tatahakin naman ngayon ng 88 natitirang siklista ang pinakamahabang distansiya na 199km Stage Four na magsisimula sa Bulacan Provincial Capitol patungo sa Tarlac Provincial Capitol.

Nanguna naman si Daniel Ven Carino sa junior division upang dobleng ibulsa ang Stage at Overall. Nasa ikalawa din sa nasabing kategorya sina Jay Lampawog at Mervin Cruz.

Inangkin din ni Mark John Bordeos ang Stage at Overall Best Young rider Under 23.