ISANG PAKIUSAP ● Narinig na nating balak ni Laguna Governor ER Ejercito na gumawa ng pelikula tungkol sa pagmakamatay ng 44 commando ng Special Action Force ng PNP. Anang magiting at magalang na minamahal na gobernador, na magiging makatotohanan ang paglalarawan ng pelikula, na nakabase sa aktuwal na pangyayari at mga resulta ng pagsisiyasat na isinasagawa hinggil sa brutal na pamamaslang sa ating mga kapatid na commando sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Sa kabila nito, sa isang ulat, hindi yata payag ang Ama ng Maynila na si Mayor Joseph Estrada sa ideya ng kanyang pamangkin. Bilang beteranong aktor at pulitiko, hindi niya nakikita ang dahilan upang gawan ng pelikula ang sinapit ng Fallen 44. Sinabi pa ni Mayor Erap, na hindi maipagmamalaki ang nangyari sa Mamasapano at magiging isang pagkakamali ito para sa kanyang pamangkin kung sakaling igigiit nito ang pagsasagawa ng naturang pelikula. Matapos man ang mga imbestigasyon, hindi angkop na gawing pelikula ang karumaldumal na pangyayari sa bahaging iyon ng ating bansa. Hindi nga lang tuwirang sinabi ni Mayor Erap ngunit dama natin ang kanyang saloobin, isang pakiusap na huwag nang pag-aksayahan ng salapi at panahon ang paggawa ng naturang pelikula sapagkat magdudulot lang ito ng karagdagang tensiyon sa gobyerno at sa MILF/BFF. Tiyak na malalagay sa spotlight ang kalupitan ng kapatid sa kapatid.
***
HINDI LANG BAHA ● Batid na natin na kapag hindi naagapan ang paglala ng climate change, tataas ang sea level at magdudulot ito ng malawakang baha sa maraming bahagi ng ating daigdig bunga ng pagkatunaw ng mga bundok ng yelo sa polar regions. Ayon sa Business Insider, gayong pagtaas ng sea level ang tuwirang epekto ng patataas din ng temperature dulot ng climate change, may ilang epekto rin nito ang malamang hindi natin naiisip: (1) Makokontamina ang iniinom nating tubig. Dahil tumataas ang tubig-alat, sisipsipin ng lupa ang ilan dito at mahahalo sa groundwater o bukal na iniinom ng tao. (2) Maaapektuhan ang pagsasaka. Siyempre, kung kailangan ng tao ang tubig-tabang, kailangan din iyon ng mga pananim. Papatayin ng tubig-alat ang pananim at lalong magiging magastos sa agrikultura kung gagamutin ang tubig-dagat upang mawala ang alat. (3) Maraming hayop ang mamamatay. Tulad ng tao, kailangan din ng mga hayop ang tubig-tabang. Marami ring pugad ang maaanod sa baha at malaking problema ito para sa mga endangered species tulad ng sea turtles na hindi mabubuhay sa iba pang environment.