Ang opisyal ng pulisya na nagsabing matamis na magbuwis ng buhay para sa bansa ay ikinokonsiderang hindi dapat na pumalit sa nagbitiw na hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Director Gen. Alan LM Purisima.

Ito ang pananaw ni Antipolo City Rep. Romeo Acop tungkol kay PNP Officer-in-charge Deputy Director General Leonardo Espina sa kabila ng malaking suporta rito ng mga tauhan ng pambansang pulisya matapos ihayag ang pakikisimpatiya nito sa 44 na tauhan ng PNP-Special Action Force (SAF) na napatay sa madugong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao.

“Umangat si Espina sa organisasyon at humawak ng mga posisyon na kailangan ng isang tunay na commander. Subalit siya ay diskuwalipikado ayon sa batas. Hindi dapat ito masundan,” pahayag ni Acop.

Itinalaga ni Pangulong Benigno S. Aquino III si Espina bilang OIC ng PNP nitong nakaraang taon matapos masuspinde si Purisima, na kaklase ni Espina sa Philippine Military Academy (PMA) Batch 1981, makaraang maharap sa kasong katiwalian sa Ombudsman si Purisima.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Kinalaunan, tuluyang nagbitiw sa puwesto si Purisima kasunod ng madugong insidente sa Maguindanao noong Enero 25, makaraan siyang akusahan ng pakikialam sa operasyon kahit suspendido siya.

Ilang sektor ang nanawagan kay Aquino na magtalaga na ng permanenteng hepe ng PNP bilang kapalit ng kanyang dating bodyguard at kabarilan na si Purisima, na napanatili ang four-star rank nito sa organisasyon.

Iginiit ni Acop na ayon sa batas, isa lang ang dapat na may four-star rank sa PNP, habang si Espina ay may three-star rank sa ngayon.

Bukod dito, magreretiro na rin sa serbisyo si Espina sa Hulyo 2015, sa kanyang ika-56 na kaarawan.

“President Aquino should choose a PNP chief that would help the organization to move on,” pahayag ni Acop.