Hindi natitinag si Pangulong Aquino sa kabila ng mga panawagan mula sa iba’t ibang sektor sa kanyang pagbibitiw sa puwesto bunsod ng pagkamatay ng 44 police commando sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao.

Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr., ang panawagan na magbitiw ang Pangulo ay nagpapakita lamang na buhay ang demokrasya sa bansa.

Subalit nanawagan pa rin ito sa publiko na manatiling kalmado at hintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon sa Mamasapano incident.

“Naunawaan namin na may mga sektor na nagagalit o nawawalan ng pasensya o natinag ang kanilang paniniwala sa pamahalaan dahil sa mga kaganapan sa Mamasapano,” pahayag ni Coloma.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Pero nananalig naman kami na kapag naisiwalat na ang buong katotohanan, kapag nabatid na ng buong bansa kung ano talaga ang nangyari, at naunawaan na kung paano naganap yung mga naganap doon ay magkakaroon tayo ng healing process,” dagdag ng opisyal.

Samantala, sinorpresa ni Pangulong Aquino,ang mga naulila ng mga namatay na Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 at nakipag-usap sa bawat pamilya ng mga biktima na inabot ng anim na oras sa Camp Crame.

Nagulat ang mga kaanak ng napatay na commando sa biglang pagdating ni Aquino, sa Multipurpose Hall ng Camp Crame kung saan naroroon ang pamilya ng mga itinuturing na bayani dahil sa one-stop shop ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, na layuning ay mas mapabilis ang pagpoproseso sa kanilang benepisyo kabilang ang hanapbuhay, pag-aaral ng mga anak, pabahay, pension.

Kasama ng Pangulo ang mga miyembro ng gabinete na umikot sa bawat mesa ng mga kaanak ng SAF commandos na napatay para kumustahin at tiyakin na matatanggap ang tulong.

Dakong 12:00 ng hating gabi ng umalis ang Pangulong Aquino sa  Camp Crame at tiniyak nito na matatanggap  ng mga naulila ang benepisyo.

Kasama na nagpunta si Interior and Local Government Sec. Mar Roxas, at sinabi nito ang tulong para sa mga naulilang misis at anak na principal beneficiaries at sa mga magulang na secondary beneficiaries.

Sinabi ni Roxas na dalawa ang panggagalingan ng pensions - isang lifetime sa PNP  at  sa National Police Commision (NAPOLCOM) sa loob ng limang taon.