Kung atin pang natatandaan, si Sen. Guingona ang nagmungkahing ang Truth Commission ang mag-imbestiga sa nangyari sa Mamasapano noong sumiklab ito. Katunayan nga, isang resolusyon ang inihain niya sa senado na lumilikha nito na bubuuin ng mga taong hindi matatawaran ang kanilang kredibilidad sa katotohanan. Malabo na mangyaring matuloy itong Truth Commission, ayon kay Sen. Bam Aquino. Paanong hindi lalabo, eh lahat na yata. lalo na ang mga pulitiko ay nakisawsaw na rito. Ang kongreso ay siyang nangunguna. Nagiimbestiga na nga ang senado, ganoon din ang mababang kapulungan. May sarili ring imbestigasyon ang PNP Board of Inquiry, Department of Justice, Commission on Human rights at iba pa. Lahat ng mga ito ay nagnanais daw na mapalabas ang katotohanan.

Sinuspinde na ng kamara ang inumpisahang niyang pagdinig. Natakot na ang liderato  nito dahil, ayon sa mga kongresistang tutol dito, ay umaabot na sila sa kanilang pagtatanong kay Pangulong Noynoy. Maaari, dahil ang pabara-barang suntok kahit paano ay tumatama rin. Totoong nagsimulang magulo ang pagdinig ng kamara, pero may mga tanong na hindi mo alam kung saan nanggaling na nakasasakit din. Hihintayin munang matapos ang imbestigasyon ng PNP Board of Inquiry, wika ni Speaker Belmonte, bago namin itutuloy ang amin. Ang senado naman ay ipinakikita lamang ang bahagi ng pangyayaring gusto nitong ipaalam sa mamamayan sa kanyang publikong pagdinig. Pero kapag sumapit na ito sa parteng mabubuo na ang larawan, itinatago na niya ang kanyang imbestigasyon  sa executive session na ang mga senador lang ang nakakaalam.

Anumang impormasyong lumabas dito ay madali na nilang pabulaanan. Ang Truth Commission lang ang puwedeng mapanaligan na mailalabas nito ang katotohanang naganap sa Mamasapano dahil kung malikha nga, mga taong may integridad at wala sa pulitika ang bubuo nito. Ang iba pang nagiiimbestiga kasama na ang kongreso ay isasama lang ang katotohanan sa 44 SAF trooper sa hukay.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon