Marami ang nagtatanong kung ano ang magiging legacy o pamana ni Pangulong Noynoy Aquino sa bayan ngayong nalalapit na ang pagtatapos ng kanyang termino. As usual, sinabi ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko na ang magiging pamana niya sa bansa ay ang Mamasapano na ikinamatay ng 44 PNP-SAF commando sa isang palpak na operasyon. Kailangang remedyuhan ito ni PNoy dahil umiiral ngayon ang “pambansang galit” laban sa kanya at kay ex-PNP chief Director General Alan Purisima, ang kanyang BFF.
Kung paniniwalaan ang isang survey na ikinomisyon ng isang pahayagang English, 48% ang sinisisi si PNoy sa pagkamatay ng 44 SAF commando samantalang 52% ang sumisisi kay Purisima. Anim sa 10 Pinoy na tinanong ang walang tiwala ngayon sa Aquino administration kasunod ng Mamasapano massacre.
Totoo ba ang mga ulat na ang dalang mga granada (M203) ng SAF men ay pawang supót o hindi sumabog sa kaigtingan ng sagupaan? Ayon kay PNP Supt. Raymund Train, intel officer ng SAF na namuno sa pagsalakay sa kuta ni Zulkfli bin Hir, hindi pumutok ang mga granada upang mapigilan ang mga kalaban.
Nag-text sa akin si veteran defense reporter Ben Cal ng PNA upang ipaalam kung paano umaksiyon si FVR sa mga krisis na katulad ng Mamasapano. Noong Abril 3, 1995, sinunog ng Abu Sayyaf ang public market ng Ipil, Zamboanga ng 2am. Dumating si FVR sa Ipil at ininspeksiyon ang eksena dakong 7:30am. Tinanong niya kung nasaan si Southcom chief Lt. Gen. Regino Lacson. Ang sabi ay nasa Davao City raw. Ano ang ginagawa niya sa Davao, tanong ni FVR. Agad ni-relieve ni FVR si Lacson at itinalaga si Lt. Gen. Eduardo Batenga bilang bagong Southcom chief, at inatasang magsagawa ng hot pursuit laban sa ASG. Sa 200 ASG na nanunog at nagnakaw sa mga bangko, lahat ay napatay maliban sa 20 bandido. Ganyan si FVR, sabi ni Ben Cal.
Isang linggo na lang at ipagdiriwang ang ika-29 anibersaryo ng People Power Revolt. Ano kaya ang sasabihin ni PNoy sa okasyong ito na nagtaboy sa diktador at nagpanumbalik sa demokrasya? Nasa harap niya ang mga problema sa Mamasapano, kontrobersiyal na DAP at PDAF, paglala ng peace and order, bigat ng trapiko, pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT, at ang kahilingan na magbitiw na siya sa puwesto.