Naglabas ng hinanakit si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Gregorio Pio Catapang Jr. hinggil sa paninisi sa militar sa sinapit ng 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).
Sa command conference ni Catapang sa 7th Infantry Division ng Philippine Army sa Fort Magsaysay, Palayan City, Nueva Ecija, naglabas ng saloobin ang heneral tungkol sa Mamasapano operation, sinabing hindi nakikita ang nagawa nilang maganda gaya ng pagkakaligtas sa 28 SAF trooper.
Ayon kay Catapang, 11 ang nailigtas nila sa tiyak na kamatayan matapos masugatan sa bakbakan, habang 17 ang hindi nagtamo ng sugat, subalit sinisisi pa rin ang AFP. Gayunman, tanggap niya na ang kinakaharap nilang batikos ay bahagi ng kanilang trabaho.
Ipinaalala ni Catapang sa militar na maging propesyunal silang lahat at ipagpatuloy ang kanilang trabaho at pagtupad sa tungkulin.