Pinatawan ng Sandiganbayan Fifth Division ng limang taong pagkakakulong ang isang dating commissioner ng Commission on the Settlement of Land Problmes (COSLAP) dahil sa paglabag sa Code of Conduct of Public Officials at pagtanggap ng P30,000 suhol mula sa isang nahaharap sa ejectment case.
Subalit dahil sa pumanaw na ang naghain ng reklamo na si Salud Sabado at hindi nakumpleto ang kanyang testimonya, pinawalang sala ng Fifth Division si dating Commissioner Rufino Mijares sa kasong graft at direct bribery.
Base sa 35-pahinang desisyon na inilabas noong Pebrero 17, patunayan ng anti-graft court na guilty si Mijares ng paglabag sa Section 7 (d) ng Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees (RA 6713).
Ang desisyon ay isinulat ni Associate Justice Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta at kinatigan nina Fifth Division Chairman Roland Jurado at Associate Justice Alexander Gesmundo.
Bukod sa pagkakakulong ng limang taon, pinagmulta rin ng Fifth Division si Mijares ng P5,000 at pinagbawalan na humawak ng ano mang posisyon sa gobyerno.
Si Mijares ay naaresto sa kanyang tanggapan sa Quezon City noong Abril 12, 2000 sa isinagawang entrapment operation na isinagawa ng binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) matapos tumanggap ng P30,000 suhol mula kay Salud.
Ayon sa court records, hiningan ni Mijares ng P30,000 si Salud bilang kapalit ng paborableng desisyon sa ejectment case na kinahaharap ng complainant.