May mga amiga akong matagal nang retirado sa paglilingkod sa gobyerno. Sapagkat regular naman kaming nagkikita-kita, lalo na sa mga pagdiriwang aming mga birthday, marami kaming alam sa buhay-buhay ng bawat isa. Bukod sa latest tsismis sa kanya-kanyang happenings, nailalahad din nila ang kanilang mga karanasan sa pagiging retirado. Talagang magugunita ang iyakan namin noong magsisialis na sila sa serbisyo ngunit napalitan naman agad iyon ng kagalakan. Sa aming kuwentuhan, pinananabikan ko tuloy ang sarili kong pagreretiro.
Anila, ang pagkakaroon ng maraming libreng oras ay sa pangarap lang noon nila inaasam. Ngayong, gumigising sila araw-araw nang may buong kontrol sa sarili nilang buhay at kalendaryo.
Habang humahakbang ang panahon ng kanilang paglaya, para silang mga ibong pinapagaspas ang kanilang mga pakpak. Pakiramdam nila, magagawa nilang lahat ang anumang ibigin nilang gawin. Dahil sa kakaibang ligayang ito, hindi sila makapaghintay na maranasan ko ang pagreretiro. Narito ang kanilang ibinibida sa akin na minarapat kong ibahagi sa iyo:
- May panahon ka na para mag-exercise. – Nasa iyo na kung paano itatala sa iyong 24 oras araw-araw ang pag-eehersisyo. Kapag nasa trabaho ka, hindi mo ito maisisingit sa magulo mong schedules. At kung lunch time mo naman isisingit ang exercise, pipilitin mong magkasya sa loob ng 60 minuto ang pagpunta sa gym, pagpapalit ng damit na pang-exercise, ang aktuwal na exercise, oras para sa pagpapahinga, paliligo at pagsusuot ng damit pantrabaho at oras sa pagbabalik sa iyong puwesto. Hassle na, hindi pa enjoy. Ngunit kapag retirado ka na, may panahon ka nang magpunta sa gym nang hindi ka nagmamadali. Makapipili ka ng oras na gusto mo kung kailan kakaunti lang ang mga gumagamit ng equipment. Magagamit mo ang paborito mong equipment hanggang sa nais mong itagal doon. Hindi ka makikipag-unahan sa shower at makapagdadamit kang walang inaalalang iba pa. At ang pinakamainam pa roon ay makapag-eehersisyo ka sa panahong ganadong-ganado kang magpapawis. Sapagkat mayroon ka nang oras para sa ehersisyo, iyong matatamo ang mga resultang nais mo, plus, malayo ka pa sa pagkakasakit at panghihina.