Pito katao ang napatay habang 11 ang sugatan makaraang sumiklab ang engkuwentro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa hangganan ng North Cotabato at Maguindanao kahapon ng umaga.

Sinabi ni Cotabato Provincial Police Office (CPPO) Director Senior Supt. Danilo Peralta na muling nagkasagupa ang 108th Base Command ng MILF at Kumander Gani Saligan ng BIFF sa hangganan ng Sitio Tatak, Barangay Kalbugan, Pagalungan, Maguindanao at Barangay Kabasalan, Pikit, North Cotabato.

Ayon sa pulisya, lima ang namatay sa MILF at dalawa sa BIFF habang walo ang nasaktan sa magkabilang panig.

Ayon sa report, tumagal ng tatlong oras ang barilan kaya maraming sibilyan ang nagsilikas dahil sa pangambang maipit sa labanan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Natigil lamang ang labanan nang umulan nang malakas na nagpaatras sa mga rebeldeng BIFF patungong Liguasan Marsh.

Pinangunahan ni Datukan Ampuan, alyas Kumander Falcon, ang MILF na namatay sa sakit matapos sumpungin ng hika pagkatapos ng labanan.

Agad nagpadala ng tulong sina Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliňo Mendoza at Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu sa mga sibilyan na nagsilikas.