Inangkin ng reigning champion Far Eastern University (FEU), University of the Philippines (UP) at De La Salle University (DLSU) ang unang tatlong semifinals berth matapos magsipagwagi kontra sa kanilang mga katunggali sa UAAP Season 77 men’s football tournament.
Apat na goals ang ginawa ni Eric Giganto upang pamunuan ang Tamaraws sa paggapi sa University of Santo Tomas (UST), 6-0, habang tinalo naman ng Fighting Maroons ang University of the East (UE), 2-0, sa Moro Lorenzo Football Field sa Ateneo.
Nagtala sina Gerry Yang at Chuck Uy ng tig-isang goals para iangat ang Green Archers tungo sa 2-0 panalo kontra sa winless na Adamson University (AdU) sa larong ginanap sa FEU-Diliman pitch.
Nanatiling magkasalo ang FEU at UP sa pamumuno na taglay ang tig-27 puntos, angat ng isa sa pumangatlong La Salle.
Umangat naman ang National University (NU) laban sa Ateneo para sa nalalabing semis berth matapos gapiin ang huli, 1-0.
Inangkin ni Giganto ang pamumuno para sa league’s best goal scorer nang makatipon ng 15, kasunod ng kanyang goals sa 12th, 35th, 58th at 62nd minute ng laro.
Galing naman kina Arnel Amita (16th) at Jess Melliza (46th) ang dalawa pang goals ng Tamaraws.
Matapos ang goalless sa first half, nagsimulang rumatsada ang UP sa second half nang maka-goal si Vincent Aguilar sa 53rd minute na sinundan ni Jinggoy Valmayor sa kanyang 14th goal ngayong season, may 13 minuto ang nakalipas.
Umiskor naman si Paolo Salenga ng goal sa 29th minute matapos ang free kick ni Alberto Frias na siyang winning moment para sa Bulldogs, taglay ang 23 puntos na klarong nakalamang ng isa sa fifth-running Blue Eagles.
Samantala, nakamit ng UP ang karapatang makatapat sa one-game women’s Finals ang title holder na FEU sa pamamagitan ng 3-1 panalo kontra sa UST.