Pinataob ng defending champion Ateneo de Manila University (ADMU) ang National University (NU), 9-4, upang muling makausad sa kampeonato sa ikaapat na sunod na taon ng UAAP Season 77 baseball tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Hindi pinaiskor ng Blue Eagles ang Bulldogs sa unang apat na innings habang binigyan ni Iñigo Untalan ang Katipunan-based batters ng bentaheng 6-0 matapos ang kanyang hit sa kaliwa ng diamond malapit sa gitna.
Mula doon ay hindi na nakabangon pa ang NU habang nakamit naman ng Ateneo ang ikapitong sunod na panalo.
Dalawang laro na lamang ang nalalabi para sa Blue Eagles upang ganap na mawalis ang eliminations na magbibigay naman sa kanila ng bentaheng twice-to-beat sa finals.
Sa iba pang mga laro, nagtala ng pitong runs ang De La Salle University (DLSU) sa third inning na idiniretso nila sa abbreviated 13-0 pagblangka sa University of Santo Tomas (UST) habang pinasadsad naman ng Adamson University (AdU) ang University of the Philippines (UP), 8-1, para sa ikalawa nilang panalo ngayong season.
Dahil sa panalo, umangat ang Green Batters sa barahang 5-2, dalawang laro ang agwat sa Fighting Maroons (3-4) na kaagaw nila sa ikalawa at huling championship berth.
Lumikha naman ang Falcons ng three-way tie sa fourth spot kasama ng Growling Tigers at Bulldogs sa barahang 2-5 (panalo- talo).