BILISAN NINYO ● Sa pagtitipon ng mga negosyador ng UN para sa climate change sa Geneva kamakailan, iniulat na hinimok ang mga ito na medyo bilisan ang pagpapanukala ng kasunduang pandaigdig na lalagdaan sa huling bahagi ng taon na ito. Hiniling ng environment minister at pangulo ng negosasyon ng Peru na si Manuel Pulgar-Vidal sa pagbubukas ng sesyon sa anim na araw na talakayan na paigtingin ng grupo ang kanilang pagsisikap.

Umapela siya sa mga kinatawan ng iba’t ibang bansa sa naturang pagtitipon na bilisan ang pagpapanukala ng pandaigdigang kasunduan. Aniya, hindi ito isang kompetisyon, na labanan o tagisan ng isa’t isa kundi isa silang team para sa iisang planeta. Nakikita marahil ni Pulgar-Vidal na puro pagpupulong at tagisan na lamang ng talino ang nangyayari at hindi inaalintana na nasasayang ang mga sandali para magkaroon ng agarang solusyon.

***

MALAPIT NA SA PULANG GUHIT ● Kung baga sa isang lumang metro, ang karayom ng pagkasira ng daigdaig ay malapit na sa unang pulang gunit, na nangangahulugan na nasa kritikal na kondisyon na ang lagay ang planetang ito. Ayon sa mga siyentista, sa harap ng trend ng greenhouse gas emissions, tinatahak na ng ating mundo ang landas patungo sa matitinding tagtuyot, super bagyo, superbaha, at paglubog ng ilang maliliit na isla. Kung unstable ang klima, unstable din ang seguridad ng daigdig – lahat mula sa immigration hanggang sa pg-aagawan ng resources maging tubig man ito o langis. Ayon sa ulat ng World Meteorological Organization, ang 2014 ang pinakamainit na taon na kanilang naitala – at ito ay bahagi ng naturang trend na nakatakdang magpatuloy.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

***

MAGTULUNGAN TAYO ● Habang enjoy na enjoy pa ang mga kinatawan ng mga bansa sa kabagalan ng pagpupulong sa Geneva para sa isang pandaigdigang kasunduan upang bawasan ang kanilang carbon emissions, may magagawa ang karaniwang tao upang labanan ang climate change. Kung tutuusin, bahagi tayo ng Team Earth. Maaaring magsimula ito sa pagtiyak na hindi nagbubuga ng maruming usok ang kanilang mga kotse, ang maayos na pangangasiwa ng basura sa halip na silaban, ang hindi pagba-barbecue na literal na lumalason sa hangin. Magkaroon sana ng ngipin ang ating mga batas para rito.