ANG balita tungkol sa paglalagda sa isang batas na nagpapababa ng buwis sa mga bonus ng maliliit na manggagawa ay isang katanggap-tanggap na pagbabago mula sa araw-araw na mga istorya tungkol sa Mamasapano killings at ang mga akusasyon at sisihan sa isinasagawang congressional investigations.

Nilagdaan ni Pangulong Aquino bilang batas noong isang araw ang isang bill na naggagawad ng mas mataas na tax exemption para sa Christmas bonus at iba pang benepisyo. Dati nang binubuwisan ng gobyerno ang lahat ng halaga na hihigit sa P30,000. Itinaas ng bagong batas ang tax exemption sa P82,000.

Bilang epekto nito, tataas ang maaaring iuwing sahod ng mga manggagawa. Inaasahan noon na maaaprubahan ng Kongreso ang naturang bill noong Disyembre upang masaklaw ang 2014 year-end bonus, ngunit hindi nangyari. Gayunman, ang presidential action ay nangangahulugan na ang year-end benefits, kung saan karaniwang ina-advance ang kalahati niyon sa Mayo o Hunyo, ay saklaw na ng pinaliit na buwis.

Isinasaayos ng bagong batas ang isang aspeto ng sinauna pang tax system, na isinabatas halos 20 taon na ang nakalilipas, noong mas mababa ang salary levels. Higit pang adjustments ang kakailanganin pa upang ang income tax rates at brackets ay maging mas makatotohanan. Dahil sa inflation, nasa top tax brackets ang kabataang professionals ng bansa ngayon.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ang ating top individual tax rate na 32 percent ay sinasabing pangalawa sa pinakamataas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Ito ay maaaring maging isang malaking kahinaan ng Pilipinas kapag ipinatupad na ang integration ng ASEAN economies ngayong taon.

Bukod sa tax reform, mas mainam para sa gobyerno na ilaan ang buong atensiyon nito sa pagbalangkas ng isang programa na pakikinabangan ng mas malaking bahagi ng pambansang populasyon – ang mga uemployed at ang underemployed. Mayroon tayong isang programa upang matulungan ang maralita – ang Conditional Cash Transfer (CCT) program – ngunit kailangan ang mas matibay na ayuda kaysa panlimos. Kailangan ang mas maraming trabaho – sa manufacturing, sa turismo at iba pang larangan ng serbisyo, at higit sa lahat, sa agrikultura.

Ang isang programa para sa paglikha ng mga trabaho ang maaaring pinakadakilang pamana ng administrasyong ito.