Sa dami ng impormasyong naglulutangan sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa Mamasapano massacre, naging sentro ng atensiyon si Director Getulio Napeñas, dahil inako niya ang buong responsibilidad sa trahedya.

Aniya, “judgment call” niya ang isulong ang misyon upang maaresto ang wanted na Malaysian bomb expert na si Zulfikli alyas Marwan, kahit walang direct order mula kay Pangulong Aquino o sa suspendidong chief ng Philippine National Police, Director General Alan Purisima.

Nagpupulong sila tungkol sa mga detalye ng plano para sa operasyon sa loob ng maraming linggo – sa offical quarters ni Purisima sa Camp Crame at sa Bahay Pangarap sa Malacañang. Aniya, walang aktuwal na order na isagawa ang operasyon. Ngunit wala ring order na ihinto ito. Kaya, aniya, ipinagpatuloy niya ang plano – sa sarili niyang “judgment call”.

Ang mga imbestigador ng Senado, partikular na si Sen. Miriam Defensor Santiago, ay nagsabi na naniniwala silang umaaktong scapegoat o umaako sa pagkakasala ng iba. Inamin niya ang pahayag ni Purisima na ang order na huwag sabihan si DILG Secretary Mar Roxas at PNP OIC Deputy Director General Leonardo Espina ay hindi talaga order, kundi “advice” lamang. Kung may mangyayaring masamâ, ani Napeñas, siya lamang ang responsable; hindi si Purisima at lalong hindi ang Pangulo.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Ang sumusuporta sa pananaw na ito ay si Gen. Gregorio Catapang Jr., AFP chief of staff, na nagsabi na hindi niya sinabi sa Pangulo ang tungkol sa nabitag na mga tauhan ng SAF sa umaga ng Enero 25 nang magkasama sila sa Zamboanga City. Nang tanungin din si Purisima kung kailan nito sinabi sa Pangulo ang tugnkol sa problema, hiniling niya sa Senado na tatanungin niya ang Pangulo kung maaaring ito na ang sumagot sa tanong.

Sa harap ng lumulutang na larawan ni Napeñas na umaako ng buong responsibilidad, may mga pagsisikap na sisihin ang Pangulo. Mayroon ding pagkilos para sa isang kudeta, ani Sen. Santiago. Ngunit, anang Senadora, kahit naniniwala siya na ang apat na nagplano ng Oplan Exodus – ang Pangulo, Purisima, Napeñas, at ang Intelligence Group Director Fenando Mendez – ang dapat na umako ng responsibilidad sa kapalpakan ng operasyon, mariin siyang tumututol sa anumang coup.

Kailangang pigilan natin ang situwasyon na lumobo sa kaguluhan – na maaaring idulot ng isang kudeta. Taglay ng bansa ang isang tumpak na pananaw kung ano talaga ang nangyari at kung ano ang naging kamalian. Hayaan na lang natin magpatuloy ang pagsisiyasat na umaangkop sa naitatag na mga proseso at kapag nagkaroon na ang tiyak na kongklusyon, maaari nang magpatupad ng mga hakbang na naaayon sa batas at konstitusyonal na pamamaraan at lapat sa ating pambansang tradisyon ng mapayapang pagbabago.