MALAKING tulong ang tinatawag na ‘magic black box’ o TV plus digital box sa mga wala pang cable at nagtitiyaga sa antenna na nakakabit sa bubong o gilid ng bahay nila lalo na sa mga liblib na lugar sa probinsiya.

Kadalasan kasi ay malabo ang reception ng pinapanood na programa kapag hindi tama ang pagkakalagay ng antenna o kaya’y hinahangin ito kaya nakaisip ng solusyon ang ABS-CBN na solusyunan ito.

Ang ceremonial switch-on para sa paglulunsad ng produkto nitong Miyerkules ng gabi (Pebrero 11) sa ABS-CBN Center Road na pinangunahan ni ABS-CBN Chairman Mr. Eugenio ‘Gabby’ Lopez lll, CEO/President Charo Santos-Concio, at ABS-CBN head of access na si Carlo Katigbak.

“Digital terrestrial television (DTT) is a major investment for ABS-CBN, but it is actually investing in our fellow Filipinos. Naniniwala kaming ang inspirasyon at impormasyong dadalhin ng digital TV sa ating mga tahanan ay magbubukas ng mga bagong oportunidad sa bawat pamilyang Pilipino,” wika ni Sir Gabby.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“Ang mahiwagang black box ay matagal nang pangarap ng ABS-CBN para sa mga kababayan nating hindi nakakapanood ng malinaw na TV. Ngayon magbabago na ang lahat para sa kanila,” sabi naman ni Ms. Charo.

Dagdag naman ni Mr. Carlo, “Ang ABS-CBN ang magiging pioneer ng pinakabagong pagbabago sa telebisyon. Sa muling pangunguna ng ABS-CBN sa kasaysayan ng TV, gusto naming pasalamatan ang bawat Kapamilya na tumulong upang magkatotoo ang digital TV na dati’y isang pangarap lang.”

Aniya pa, mas maraming channels na rin ang maaaring pagpilian ng pamilya dahil bukod sa ABS-CBN at ABS-CBN Sports+Action, kalakip ang apat na libreng digital TV channels na ekslusibong makukuha lang kapag binili at ikinabit sa TV ang ABS-CBN TVplus.

Kabilang na rito ang CineMo, ang unang all-day movie channel sa free digital TV tampok ang blockbuster na comedy at action movies nina Fernando Poe Jr., Dolphy, at iba pang paboritong idol ng mga Pinoy.

Hindi rin mahuhuli ang mga bata sa channel na Yey! na nagpapalabas ng mga sikat at Tagalized na pambatang cartoons at anime na nakakatuwa at kapupulutan ng aral.

Nariyan din ang Knowledge Channel, ang nag-iisang curriculum-based channel sa TV na hatid ang mga programang pasado sa Department of Education at kaakibat sa pag-aaral ng mga batang Pinoy na nasa elementary at high school.

Kabilang din sa ABS-CBN TVplus ang DZMM TeleRadyo, ang TV channel ng DZMM Radyo Patrol Sais Trenta na 24/7 ang paghahatid ng pinakamaiinit na balita at komentaryo.

“Ang lahat ng channels namin ay para sa lahat ng miyembro ng pamilya – bata man o matanda, babae man o lalake. Mabibigyan ng maraming mapagpipilian ang mga pamilyang hindi kaya o gustong magbayad para sa cable TV, at sa pamamagitan ng DTT, inaasahan naming mas lalo pa nilang ma-enjoy ang panonood ng TV at makapag-bonding kasama ang buong pamilya,” paliwanag ni March Ventosa, ABS-CBN head of narrowcast and DTT channels.

Dagdag naman ni Ms. Leng Raymundo, head ng ABS-CBN Program Acquisitions and International Sales Distribution, “Nakasara na kami ng deals sa pinakamalalaking film companies para makabuo ng film library ng Pinoy idols gaya nina Fernando Poe Jr., Dolphy, Robin Padilla, Asian action films, at English movies para sa ating viewers. Nakakuha rin kami ng children’s entertainment programs mula sa Nickelodeon at iba pang studios.”

Mabibili ang mahiwagang black box sa one-time payment price na P2,500 na walang dagdag na monthly o installation fee. Sa ngayon, mabibili ito kasama ang isang ABS-CBNmobile prepaid SIM card na may P50 load na maaaring gamitin upang mag-text, tumawag, mag-surf sa Internet, at manood ng paboritong Kapamilya programs sa pamamagitan ng iWanTV app.

Sulit na sulit din ang pagbili nito dahil maaaring ikabit ang mahiwagang black box sa kahit anong klase o model ng TV – luma man o bago – at siguradong makakakakuha ng malinaw na palabas.

Para makabili ng black box, bisitahin lang ang ABS-CBN Store, ABS-CBNmobile Store, SM Appliance Centers, 2Go Express, Solid Service Center (Sony Authorized Service Channel), Villman, Silicon Valley at iba pang electronic, appliance at hardware stores. Mabibili rin ito sa authorized ABS-CBN TVplus sales agent na mag-iikot-ikot sa mga kabayahan. Maaari ring bisitahin ang www.abs-cbnstore.com.

Ayon sa ABS-CBN DTT head na si Chinky Alcedo, available ang digital TV signal ng ABS-CBN TVplus sa ngayon sa Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Pangasinan, Benguet, at Metro Cebu.

“Inaasahang mas dadami pa ang mga lugar na ito sa pagsisikap ng ABS-CBN TVplus na dalhin ang mas kapana-panabik na TV viewing experience sa mga Pilipino sa buong bansa,” aniya.

Ang terminong ‘mahiwagang black box’ ay pinasikat ni Ted Failon sa patok na promo contest sa programa niyang Failon Ngayon sa DZMM. Lumikha ito ng ingay sa mga Pinoy sa pagpapalaganap ng DTT, at patunay nito ay ang mahahabang pila ng mga tagapakinig at manonood ng DZMM na sumasali sa contest na gustong maiuwi ang box.