Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa ating mga pagkakamali sa pananalapi kung bakit hindi tayo nakapag-iimpok nang malaki. Kahapon, iniwan natin ang paksa tungkol sa pagbabayad ng minimum balance lamang sa iyong credit card bill.
Totoo ngang nakagugulat kapag nalaman mong hindi pala nababawasan ang iyong utang kahit minimum balance lamang ang iyong binabayaran. At lumalaki ang iyong obligasyon sa credit card company dahil sa mataas na interest nito. At lumalaki nang lumalaki nang lumalaki ito na parang tumor, parang cancer, hanggang hindi mo nababayarang lahat. Kaya mahalaga na binabasa mo ang mga detalye ng iyong credit card bill – ang malilinggit na letra na iyon. Kapag nabasa mo na ang mga detalye ng iyong utang, KAILANGAN talaga na italaga mo ang bawat sentimo na mayroon ka sa pagbabayad ng iyong utang. Kung nais mong yumaman, kailangang mawalang lahat ang iyong pagkakautang.
- Masaya ka kapag gumagastos. – Pigilan mo ang iyong sarili sa paggastos nang labis. Marami sa ating ang nakadarama ng kasiyahan, (kahit pansamantala lamang) kapag gumagastos nang malaki. Ngunit ayon sa mga dalubhasa, hindi magandang kombinasyon nag salapi at emosyon sapagkat nakalalason ito ng katinuan sa pananalapi. Huwag kang maglustay sa shopping mall upang mawala ang iyong kalungkutan. Maaari ngang makamtan mo ang labis na kasiyahan mula sa paggastos nang malaki kung tinitiyak ko sa iyo, as in one hundred percent, pagdurusahan mo kalaunan ang iyong paglulustay. Sa halip na itapon sa cash register ng supermarket ang iyong pera, ibato mo na lang sa iyong savings account at lalo kang maliligayahan to the max kapag nakita mong lumalago ang iyong pera! Mapakikinabangan mo ang salaping iyon sa mas angkop na pangangailangan pagdating ng panahon.
Kapag nakadama ka uli ng kalungkutan at nangangati ka nang maglustay sa shopping mall, pigilan mo ang iyong sarili sa abot ng iyong makakaya. Maglakad-lakad ka sa labas o mag-videoke ka at kantahin ang masasayang awitin o sumayaw sa mabibibilis na tiyempong tugtugin o magpahabol ka sa aso ng kapitbahay… gawin mong lahat, huwag lang ang magpunta sa shopping mall!
Tatapusin bukas.