Sa himig ng pananalita ng Malacañang, tila malabong hirangin si General Leonardo Espina bilang Director General ng Philippine National Police (PNP). Maliwanag na siya ay mananatili lamang na Officer-in-Charge hanggang sa kanyang pagreretiro bago matapos ang taong kasalukuyan. Nangangahulugan ba na siya ay hindi karapat-dapat maging kahalili ni General Alan Purisima na nagbitiw kamakailan bilang PNP Chief? Si Purisima ay nagbitiw dahil sa malagim na masaker sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 na PNP Special Action Forces (SAF).

Hindi ko personal na kakilala si Espina. Katunayan, kahit minsan ay hindi ko siya nakadaupang-palad. Nasubaybayan ko lamang ang pamamaraan ng kanyang pamamalakad bilang dating pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at ngayon nga na siya ay PNP/OIC. Hinangaan ko siya sa mahinahon subalit makabuluhang pamumuno sa naturang police organisasyon. Cool under pressure, wika nga. At madaling makaakay sa kanyang mga tauhan upang sumunod sa mandato ng kanilang tanggapan. Marapat lamang, sapagkat ang PNP ay isang civilian organization na hindi tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Subalit hindi nasisilip at tila ayaw paniwalaan ng administrasyon ni Presidente Aquino ang naturang mga kakayahan ni Espina. Maliwanag ang pahiwatig ng Malacañang: Patuloy silang maghahanap ng makakapalit ni Purisima; yaong nagtataglay ng kakayahan na magpatuloy ng mga reporma na sinimulan ng nagbitiw na PNP Chief.

Karapatan ng Pangulo na humirang ng kahit sinong police officer na napupusuan niya. Maaaring humahanap sila ng isang opisyal na ang panunungkulan ay tatagal hanggang sa pagdaraos ng 2016 presidential polls. Dapat lamang asahan na ang sinumang manunungkulang hepe ng PNP ay makakaagapay nila sa pulitika, isang bagay na lagi namang ginagawa ng nakaraang mga liderato.

Nangangahulugan lamang na may pamumulitika sa paghirang ng PNP chief.
Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente