Sa gitna ng lumalalang sitwasyon sa Libya, kakaunting overseas Filipino worker (OFW) ang naghayag ng intensiyon na bumalik sa Pilipinas sa kabila ng panawagan ng gobyerno na lisanin na ang bansang nababalot sa kaguluhan.
Sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Officer-in-charge Josefino Torres na 26 OFW lamang ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 mula Libya noong Martes ng hapon.
Nabiyayaan ng gobyerno ang bawat OFW ng P10,000 bilang bahagi ng Financial Relief Assistance Program ng OWWA.
“Inatasan kami ni Labor Secretary Rosalinda Dimapilis-Baldoz na maglabas ng cash benefit sa mga kuwalipikadong benepisyaryo sa lalong madaling panahon,” pahayag ni Torres.
Pagkakalooban din ng pansamantalang matitirhan ang mga OFW na bumalik mula Libya at transportasyon sa kanilang pagtungo sa kani-kanilang lalawigan.
Umabot na sa 4,600 Pinoy worker ang bumalik mula Libya simula nang magdeklara ng mandatory repatriation ang Department of Foreign Affairs (DFA) bunsod ng lumalalang kaguluhan doon.
Tinataya ng DFA na mayroon pa ring 4,000 Pinoy ang nananatili sa Libya.