TULOY ANG BUHAY ● Hindi umano makaaapekto sa ekonomiya ang nangyaring masaker sa Mamasapano, Maguindanao ayon sa Malacañang. Ani pa nito, wala pang indikasyong nakaaapekto ang nasabing madugong engkuwento sa ekonomiya partikular sa stock market ng bansa. Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, nasabi nito na walang epekto ang nangyaring sagupaan na ikinamatay ng 44 kasapi ng PNP-SAF dahil nakapagtala muli ng record-high ang merkado noong nakaraang linggo.
Dagdag pa niya, ang nasabing insidente ay hindi rin nagdudulot ng negatibong dadamin sa sector ng kalakalan. Gayunman, siniguro ni Lacierda na ang tanging epekto ng kaganapan sa Mamasapano, Maguindanao ay emosyon ng taumbayan na nagluluksa sa pagkamatay ng 44 pulis. “Sa ngayon, wala naman nakikitang indikasyon ng pagbaba ng ekonomiya pagkatapos ng engkuwentro. I think the stock market made another record high last week in the midst of all these difficulties that we were experiencing,” ayon pa kay Lacierda. Dahil dito, nanawagan ang Malacañang sa publiko na walang dapat ikabahala, na tuloy ang buhay kahit sa gitna pa ng negatibong dinaranas ng bansa ngayon.
***
ALIN ANG PANINIWALAAN ● Marami ang naniniwala na lulutang din ang katotohanan sa likod ng Mamasapano massacre lalo na sa kung mayroon nang Truth Commission na magsisiyasat dito. Ayon kay Valenzuela City First District Councilor Mar M. Morelos, pabor siya sa panukala ni Senator TG Guingona para sa pagbuo ng Truth Commission sa senado na kahalintulad ng panukalang isinusulong ngayon sa Kamara sa kabila ng pagkakaroon ng isang Board of Inquiry (BOI) ang Philippine National Police na pinamumunuan ni PNP Officer-in Charge Director General Leonardo Espina at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng iba pang ahensiya ng gobyerno. Aniya, “Kung PNP lang at ang MILF ang magsasagawa ng imbestigasyon, hindi maaalis sa publiko ang pag-aalinlangan. Dapat may kredibilidad ang magsisibuo ng komisyon, may malasakit sa bayan at hindi matatakot na ilantad ang katotohanan kahit pa may banta sa kanilang buhay. Sa oras na mabigyan linaw na ang isyu, dito lamang matatahimik at gagaan ang kalooban ng mga kaanak ng mga namatay na PNP-SAF at ilang sibilyan lalo na ang sambayanan. Ngunit sa dalawang investigating body na ito, alin ang paniniwalaan?