Kinontra ni Vice President Jejomar Binay ang isang panukala na si Pangulong Aquino ang magtatalaga ng mga miyembro ng “Truth Commission” na magiimbestiga sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao.

Sa isang kalatas, sinabi ni Binay na hindi siya pabor sa Truth Commission bill na inihain nina Senador Teofisto “TG” Guingona III, Aquinlino “Koko” Pimentel III, at Paolo Benigno “Bam” Aquino IV.

Una nang nanawagan si Binay sa pagtatatag ng isang fact-finding body na magiimbestiga sa madugong bakbakan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) at pinagsanib na puwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) noong Enero 25 kung saan 44 commando ang brutal na napatay.

“While the creation of the body is an important first step in finding out what really happened and to determine accountability, we need to remove any doubts about the impartiality of its members,” pahayag ni Binay.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa halip, dapat hingan ng tulong ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa pagpili ng mga karapat-dapat na miyembro ng Truth Commission.

Anang Binay, ang pagtatalaga ng Pangulo ng mga miyembro ng Truth Commission, tulad ng isinusulong ng mga senador na kaalyado ng administrasyon, ay magbubunsod lang ng pagdududa sa mga mamamayan sa posibilidad na manipulahin ang resulta ng imbestigasyon.

Bukod sa mga miyembro ng IBP, nais din ng bise presidente na maitalaga ang mga miyembro ng Korte Suprema, lider ng Simbahan at religious group sa Truth Commission.