Pangungunahan ng longest reigning world Filipino boxing champion at ang unang Grand Slam-achieving team sa Philippine Basketball Association (PBA) sa huling 18 taon ang listahan ng major awardees na kikilalanin sa Philippines Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night na handog ng MILO at San Miguel Corporation.

Si World Boxing Organization (WBO) light-flyweight title holder Donnie Nietes at ang buong koponan ng San Mig Coffee na kumumpleto sa isang three-conference sweep sa unang play-for-pay league sa Asia ay pararangalan sa isang pormal at eleganteng seremonya sa Pebrero 16 sa 1Esplanade sa Mall of Asia Complex ng pinakamatandang organisasyon ng media sa bansa.

Nalampasan kamakailan ni Nietes ang rekord na pitong taong paghahari ng maalamat na si Gabriel ‘Flash’ Elorde bilang longest reigning Filipino world champion makaraang matagumpay niyang maidepensa ang titulo laban kay Carlos Velarde noong Nobyembre.

Sa kabilang dako, sa paggiya ni Tim Cone, ang Mixers ang naging unang koponan sa PBA matapos ang Alaska noong 1996 na nakakuha ng bihirang Grand Slam kasunod ng kanilang pagwalis sa buong season noong nagdaang taon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Makakahati nila sa pangunahing award sa gala night kung saan ang MVP Sports Foundation, Meralco at Smart ang principal sponsors at ang Philippine Sports Commission (PSC) naman ang major sponsor sina Youth Olympic Games gold medalist Gabriel Luis Moreno, Olympic figure skater Michael Christian Martinez, five-time NCAA men’s champion San Beda Red Lions, PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo, at ang counterpart nito mula UAAP na si Kiefer Ravena.

Kasama rin sa listahan ng honor roll para sa major awards sa taunang pagtitipon na suportado rin ng PBA, ICTSI, PCSO, PAGCOR, Rain or Shine, Globalport, Air21, Maynilad, Accel, at National University ay ang rider na si Mark Galedo, golfer Daniella Uy, chess player Mikee Charlene Suede, wushu bets Jessie Aligaga at Jean Claude Saclag, ang Philippine dragon boat team (dragon boat), Philippine poomsae team- (male under 30), Philippine poomsae team (freestyle), champion horse Kid Molave, at jockey na si Jonathan Hernandez.

Ang MBX racer na si Daniel Caluag ang 2014 PSA Athlete of the Year awardee.

Ang iba pang awardees na una nang pinangalanan ay sina Cone (Excellence in Basketball), Mitsubishi (Hall of Fame), Princess Superal and Tony Lascuna (Golfers of the Year), Jean Pierre Sabido (Mr. Taekwondo), at ang 1973 Philippine men’s basketball team (Lifetime Achievement Award).

Ipamimigay din ng media organisasyon na ipinagdiriwang ang ika-66 anibersaryo nito ngayong taon ay ang President’s Award, Executive of the Year, Sports Patron of the Year, Tony Siddayao Awards para sa mga natatanging atleta edad 17 at pababa, citations, posthumous, and the MILO Outstanding Athletes (boys and girls).