Pebrero 3, 1972 nang manalasa ang pinakamapaminsalang blizzard o buhos ng snow sa kasaysayan ng Iran, at nasa 4,000 katao ang nasawi. Ang matinding buhos ng snow, na umabot sa 26 na talampakan ang kapal, ay lumamon sa 200 komunidad sa bansa. Naranasan ito sa kanlurang Iran at Azerbaijan sa sumunod na anim na araw.
Naapektuhan ng blizzard ang halos buong kanlurang Iran, na kasing lawak ng Wisconsin ng Amerika, at mahigit isang linggong nalibing sa niyebe ang ilang lugar. Ang mga nakaligtas, gayunman, ay walang access sa pagkain, malinis na tubig at gamot. Hindi naman nagawa ng mahihirap na Iranian sa mga apektadong lugar na protektahan ang kani-kanilang sarili mula sa nakamamatay na flu virus na kumalat sa kabayanan ng Iran.
Tumigil ang blizzard pagsapit ng Pebrero 9, 1972, ngunit may naranasang isa pa makalipas ang dalawang araw. Walang natagpuang survivor sa mga kalapit na bayan ng Kakkan at Kumar. Sa komunidad ng Sheklab, malapit sa Turkey, may 18 residente ang natagpuang nakalibing sa niyebe.